Big mining firms inutusan magsara ni Duterte (3 PNP general pinagre-resign)
Hataw News Team
June 6, 2016
News
DAVAO CITY – Kabilang ang malalaking kompanya ng minahan sa mga pinuntirya ni incoming President Rodrigo Duterte sa kanyang speech sa isinagawang thanksgiving party sa Davao.
Pinaalalahanan ni Duterte ang malalaking kompanya ng minahan, partikular sa Surigao del Norte, na mas magandang magsara na lalo’t nagdudulot ng problema sa kalikasan.
Ito rin aniya ang rason kung bakit hindi niya ibinigay ang posisyon bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kay Leoncio Evasco, na kanyang national campaign manager.
Sinabi ni Duterte, si Evasco ay dating political detainee noong siya ay naging city administrator.
Imbes na si Evasco, mas gusto ni Duterte na ibigay ang posisyon sa isang militar.
Umaasa ang incoming president na may ‘resistance’ mula sa mining firms at ang isang militar na kanyang itatalaga bilang DENR secretary ang mangunguna sa pagpapatupad ng kanyang magiging kautusan.
Samantala, pinagbibitiw sa serbisyo ni Pre-sident-elect Rodrigo Duterte ang tatlong police generals na nakatalaga sa Kampo Crame at huwag nang hintayin na sila ay pahiyain pa sa publiko.
Sinabi ni Duterte, ang tatlong heneral ay inakusahang mga corrupt.
Aniya, panahon na para tuldukan ang korupsiyon lalo sa hanay ng pambansang pulisya.
Gayonman, tumanggi si Duterte na pangala-nan ang tatlong heneral.
Una rito, inihayag ni Duterte na tatlong high-ranking officials ng PNP ang may ugnayan sa sindikato ng illegal drugs.
Hindi napigilan ni Duterte na magmura nang magsalita hinggil sa corrupt na mga opisyal ng PNP.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng PNP hinggil sa panibagong banat ng susunod na pangulo ng bansa.