Media iboboykot ni Digong
Hataw News Team
June 5, 2016
News
IBOBOYKOT ni President-elect Rodrigo Duterte ang media, pahayag ng kanyang closed aide kahapon.
“Kung ayaw n’yo raw mag-boycott sa kanya, siya raw mag-boycott sa inyo,” pahayag ni Bong Go, executive assistant ni Duterte, sa mga miyembro ng media sa text message.
Dagdag ni Go sa kanyang text message: “[Anyway], mayor pa naman siya and si PNoy ang pres[idente].”
Si Outgoing Davao City Mayor Duterte ay mauupo sa Malacañang sa Hunyo 30.
Nitong Biyernes, inianunsiyo ni Go na pansamantalang ihihinto ni Duterte ang pagsasagawa ng press conference upang maiwasang magkamali.
Nauna rito, ilang beses nagsagawa ng press conference si Duterte makaraan manalo sa May 9 presidential election.
Hinamon ni Duterte ang mga miyembro ng media sa Davao City na itigil na ang pag-cover sa kanya bilang reaksiyon sa panawagan ng Reporters Without Borders sa journalists na iboykot ang incoming president hangga’t hindi humihingi ng paumanhin.
Magugunitang binatikos ng media groups si Duterte makaraan sabihin na napapatay ang mga journalist dahil sila ay corrupt.
Umani rin ng pagbatikos si Duterte nang sipolan si GMA News reporter Mariz Umali sa late night press conference ng incoming president.
Tumangging humingi ng paumanhin ang outgoing mayor sa kanyang pahayag laban sa napaslang na mga journalist gayondin sa naging asal niya sa lady broadcast journalist.
Media attacks estratehiya ni Duterte — Cayetano
NANINIWALA si Sen. Alan Cayetano, estratehiya lamang ang pag-atake sa media ng kanyang runningmate na si President-elect Rodrigo Duterte.
Magugunitang umani ng negatibong reaksiyon ang pagbatikos ni Duterte sa media partikular sa aniya’y mga corrupt o mga tinatawag na ‘attack-and-collect defend-and-collect.’
Sinabi ni Cayetano, ginawa lamang ni Duterte ang mga maaanghang na pahayag habang hindi pa pormal na nanunumpa sa pagkapangulo.
Ayon kay Cayetano, hindi na kasi magagawa ni Duterte ang paglalabas ng mga personal na pananaw sa ilang mamamahayag kapag siya ay nakaupong presidente na.
Kasabay nito, inihayag ni Cayetano na may mensahe si Duterte sa kanyang pag-atake sa media corruption.
Nais daw ni Duterte na magkaroon din ng reporma at paglilinis sa hanay ng media na magiging katuwang sa paglaban sa katiwalian.
Kung nananawagan daw ang media ng reporma sa gobyerno, dapat din nitong tiyaking malinis ang hanay at maalis na ang mga nagpapasuhol at nangongotong.
Relasyon ng media kay Duterte aayusin ng incoming PCOO
PAGAGANDAHIN ni incoming Presidential Communications Operations Officer (PCOO) Martin Andanar ang relasyon ng mga mamamahayag sa bansa at ni Presidential elect Rodrigo Duterte.
Ayon kay Andanar, sisikapin niyang maayos ang relasyon ng mga mamamahayag at si Duterte.
Dagdag niya, ibabalik niya ang lakas ng government own television na PTV4 para maging salamin ng ano mang proyekto at programa nang uupong bagong administrasyon.
Kabilang si Andanar sa mga bagong pangalan na inilagay ni Duterte na mamumuno sa PCOO.
72-hour poicy sa gov’t transactions ipatutupad
BINIGYANG-DIIN ni incoming DILG Sec. Mike Sueno, dapat ipatupad sa buong bansa ang 72-hour policy sa mga transaksiyon sa gobyerno.
Magugunitang sinabi ni President-elect Rodrigo Duterte, ayaw niyang pumipila nang matagal at pabalik-balik pa ang mga kumukuha ng government clearances, permit at benefits lalo ang senior citizens.
Iginiit ni Duterte, tulad sa Davao City, dapat sa tatlong araw, tapos na ang lahat ng requirements o dokumentong hinihingi sa government offices.
Sinabi ni Sueno, kung nagagawa ng Davao City, walang dahilan para hindi ito maipatupad sa lahat ng local government units sa bansa.
Ayon kay Sueno, sa Davao City, nasa walo hanggang 10 lang ang pumipirma habang sa ibang LGU ay umaabot ng 25.
Kaya babawasan aniya ang ‘signatories’ at dapat pairalin ang ‘political will.’
Dagdag-buwis sa junk foods ipatutupad
BALAK ni incoming Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez ang pagdagdag ng buwis sa junk foods.
Ayon kay Dominguez, gaya ng ginawa nila sa mga alak at sigarilyo, dadagdagan nila ang buwis ng junkfoods para madesmaya ang consumers nito.
Dagdag niya, ang junkfoods ay hindi maganda sa katawan ng tao dahil mababa ang nutritional content nito.
Magdudulot din aniya ng obesity at ibang mga sakit ang sobrang pagkunsumo ng junkfoods.