Morato sa PCSO
Johnny Balani
June 2, 2016
Opinion
PORMAL na ngang naiproklama ang pagiging Pangulo ng bansa nitong si Rodrigo “Digong” Duterte.
Sa totoo lang mga ‘igan, matagal nang naninilbihan sa gobyerno si Mang Digong. Simula nang mailuklok na mayor hanggang naging kongresista at nagbalik-alkalde… ngayon ay Pangulo na ng bansa.
Nasa period na ngayon ng pagpili ng kanyang magiging ‘alipores’ si Digong. At siyempre mga ‘igan, una, priority niya ang kanyang, ‘ika nga ay kapartido at maging ang mga taong tumulong sa kanyang pagkapanalo, kung kaya’t narating n’ya ang tugatog ng tagumpay.
Bulong dito, bulong doon, mga ‘igan ang mga taong gusto sumawsaw sa administrasyong Duterte. Ngunit nagpauna na si Digong na, “Hindi ako mabobola,” at lalong hindi umano magpapaimpluwensiya sa kahit na sinong Poncio Pilato. He he he. Hindi rin umano uubra sa kanya ang salitang “friendship,” ang sa kanya’y ang pagiging “devoted” sa taong bayan sa kanyang panunungkulan.
Wow naman! Go Go Go Du30!
Pero sino ang isinisigaw (hindi ibinubulong ha…he he he) ng aking Pipit, ang taong tunay na may pusong makatao at makamahirap, lalong–lalo sa mga kababayan nating maysakit at may kapansanan? Aba’y ‘igan, hindi ba ito si Manoling Morato, na siyang dating Chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)? Kumusta na po kayo Bossing?
Kung inyong matatandaan mga ‘igan, itong si Morato’y nanungkulang Chairman ng PCSO sa administrasyong Ramos nang todong-todo. Magandang kapakanan ng mahihirap ang inuuna. Nabigyan ng magagandang pribelihiyo ang mga maysakit at may kapansanan. Nabiyayaan ng medical assistance ang maliit nating mga mamamayan, partikular ang financial assistance na kalimitang problema ng mga nagpapagamot sa oras ng kagipitan. Nandiyan nga ang PCSO na kanilang takbuhan sa oras ng pangangailangan!
Tunay na naglingkod mga ‘igan nang tapat sa gobyerno si former PCSO Chairman Manoling Morato. Aside from medical/finacial assistance na ibinabahagi ni Morato, tulad din ni former Manila Mayor Alfredo S. Lim na may libreng wheelchair sa mga may kapansanan.
Isama pa kay ‘Ka Fred Lim’ ang senior citizens na nangangailangan din nito. May libreng pagpapalibing din si Morato para sa mga pobre nating mga Kababayan, maging si Lim ay may ganoon ding programa para sa mga kapos palad. Sila ang mga Lingkod-Bayang Inyong Maaasahan.
Nakatutuwang isipin mga ‘igan ang ganyang klaseng mga tao. Mantakin n’yong walang iniisip kundi ang makatulong at ang magandang kapakanan ng taong bayan, lalo na ang mga maralita.
Ang PCSO ay usaping pananalapi , prone sa corruption. E galit na galit pa naman si Digong sa corrupt. So, dapat pag-isipang mabuti ni Digong ang taong iuupo niya rito. ‘Yung tipong walang sakit, sakit na ‘pagnanakaw’ he he he… Maselang bagay kasi ito mga ‘igan. Kung kaya’t, mag-isip isip ng isa, dalawa, tatlo…
Teka…si Morato na kaya ito? He he he… Wala namang masama kung ibabalik siya sa dati n’yang puwesto. Mailagay lamang muli ang PCSO sa taong karapatdapat mamalakad tungo sa tunay na layunin nitong magbigay serbisyo sa mga taong tunay na nangangailangan.
Abangan na lang po natin mga ‘igan…