MMDA at QC gov’t kinalampag sa makitid na sidewalk
Hataw News Team
June 2, 2016
News
MARIING kinalampag ng mga re-sidente at pedestrian na nagdaraan sa sidewalk sa EDSA malapit sa kanto ng Aurora Blvd., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang QC government dahil sa kabiguan na maalis ang naghambalang na illegal vendors at ang board up (bakod) ng ginagawang gusali sa lugar na sanho ng pagsikip ng sidewalk.
Ayon sa mga residente sa lugar, noong nakalipas na taon 2015 pa itinayo ang naturang bakod at kasunod nito ay nagsulputan ang illegal vendors sa lugar dahilan para sumikip ang sidewalk.
Partikular na binatikos ng mga pedestrian at residente ng Cubao si MMDA chairman, Atty. Emerson Carlos, Quezon City Building Official chief Gani Versoza at Department of Public Order and Safety (DPOS) chief ret. Gen. Elmo San Diego at si QC Mayor Herbert Bautista dahil sa naturang problema.
Sinabi ng mga residente na tila hindi nakikita ng naturang mga opisyal ang makitid na daanan ng mga pedestrian na gumagamit ng sidewalk sa naturang lugar na halos sa kalye na ng EDSA dumaraan.
Idinagdag ng mga residente na kinain na ng itinayong board up (bakod) ang sidewalk ng EDSA at kasunod nito ay nagsulputan na parang kabute ang illegal vendors kaya ang resulta masikip na sidewalk ang makikita sa lugar.
Panawagan ng mga residente, ‘wag na sanang hintayin ng nasabing mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng MMDA, QC building official at DPOS na may maaksidenteng tao sa lugar dahil sa EDSA highway na naglalakad bago umaksiyon.
Sa ulat, maraming insidente rin umano na nadudukutan at nalalaslasan ng bag ang mga pedestrian na dumaraan sa lugar dahil sa sobrang sikip ng sidewalk.
Sinabi ng mga residente na dati naman maluwag ang sidewalk ng EDSA malapit sa kanto ng Aurora Blvd., sa Cubao pero simula nang maglagay ng board up o bakod, sumulpot na rin na parang kabuti ang illegal vendors sa lugar.