Saan ipupuwesto si Leni Robredo sa Duterte admin?
Jerry Yap
May 31, 2016
Bulabugin
KUWESTIYON talaga ang akomodasyon kapag hindi magkapartido ang nanalong presidente at bise presidente.
‘Yan kasi, maipilit kung maipilit.
‘Yan ‘yung sinasabing may titulo nga pero walang poder dahil walang puwesto.
Kaya klaro na magkakaibang bagay ‘yung titulo, poder at puwesto kung politika ang pag-uusapan.
Ang maging bise presidente ay maituturing na ‘hairline’ elected post.
Habang hindi nagkakasakit nang todo at buhay ang presidente, ang puwesto na magtatakda ng poder ng isang bise presidente ay laging nasa kamay ng una.
Pero, kapag namatay ang presidente, ang suwerte-suwerte ng bise presidente kasi maisasalin lahat sa kanya ang puwesto, poder at kapangyarihan ng presidente.
Kaya ‘yan, puwedeng ibinoto ng Smartmatic/Comelec ‘este’ ng kanyang mga botante si Leni pero ang kanyang kapangyarihan ay depende kung anong puwesto siya maitatalaga ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte.
Sa kalakaran, ang mga bise presidente ay binibigyan ng puwesto bilang social welfare secretary gaya ni Gloria Arroyo noong panahon ni Erap, housing czar gaya ni Noli De Castro kay PGMA at ganoon din si Jojo Binay kay Noynoy.
Si Erap noong maging vice presidente ay binigyan ng magandang karera ni FVR bilang anti-organized crime czar nang buuin ang PAOCTF na naging law enforcement arm naman ang Task Force Habagat na pinamunuan ni NBI Deputy Director Federico Opinion.
Ngayon, medyo sumasakit ‘ata ang ulo ni President-elect Digong dahil wala talaga siyang maisip na puwedeng paglagyan kay Madam Leni.
Nag-iisip tuloy tayo kung bakit nahihirapan si President Digong na bigyan ng puwesto si Madam Leni.
Ano ang dahilan?
Dahil kaya hindi kilala ni Digong si Madam Leni at hindi rin niya kapado ang kakayahan ng biyudang naging mambabatas kaya hindi niya maisip kung anong puwesto ang puwede niyang ipagkatiwala?!
Nang magpahayag nga raw si Madam Leni na mas gusto niyang maitalaga sa isang opisina na may programang anti-poverty ‘e biglang ninerbiyos ‘yung mga ‘wa-kali’ na sumuporta kay Digong dahil tiyak na tatapyasin sila ng mga ‘dilawan’ sa National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Arayku!
Itutuloy daw kasi ni Madam Leni ang kanyang layunin na iangat ang mga nasa ‘laylayan’ sa pamamagitan ng isang anti-poverty program.
‘E sabi nga ni Mayor Digong, “Siyempre uunahin ko ‘yung mga kaibigan ko na tumulong sa akin.”
‘Yun na!
‘E bakit nga naman ibibigay ni Mayor Digong ang NAPC sa mga ‘dilawang mala-kaliwa’ kung nariyan naman ang mga ‘genuine left’ na ang layunin ay tunay na iangat ang kalagayan at kamalayan ng marginal sector kaysa mga ‘dilawan’ na ang programa na kayang gawin ay maging patabaing baboy at maging batugan ang tinatawag nilang mga nasa ‘laylayan’ sa pamamagitan ng mga dole-out programs.
Ang mga tunay na kaliwa raw kasi, tuturuang mamuhay at gumawa nang tama ang marginal sector.
Hindi gaya ng mga ‘dilawan’ na ang ituturo sa marginal sector, ay pumila sa tanggapan ng DSWD para mag-abang ng ibibigay nilang bulok na bigas, expired na de-lata at noodles na nagkalasa dahil sa MSG.
‘Yan ang style ng mga ‘DILAWAN.’ Maging dole-out sa tulirong mamamayan na hindi kinakalinga ng pamahalaan kaya napunta sa laylayan.
‘Yan kayang pagiging dole-out gaya ng 4Ps ay makatutulong para maiangat ang mga nasa ‘laylayan’ ni Madam Leni?!
Pakisagot na nga, Madam Leni?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com