Saturday , November 23 2024

Saan ipupuwesto si Leni Robredo sa Duterte admin?

KUWESTIYON talaga ang akomodasyon kapag hindi magkapartido ang nanalong presidente at bise presidente.

‘Yan kasi, maipilit kung maipilit.

‘Yan ‘yung sinasabing may titulo nga pero walang poder dahil walang puwesto.

Kaya klaro na magkakaibang bagay ‘yung titulo, poder at puwesto kung politika ang pag-uusapan.

Ang maging bise presidente ay maituturing na ‘hairline’ elected post.

Habang hindi nagkakasakit nang todo at buhay ang presidente, ang puwesto na magtatakda ng poder ng isang bise presidente ay laging nasa kamay ng una.

Pero, kapag namatay ang presidente, ang suwerte-suwerte ng bise presidente kasi maisasalin lahat sa kanya ang puwesto, poder at kapangyarihan ng presidente.

Kaya ‘yan, puwedeng ibinoto ng Smartmatic/Comelec ‘este’ ng kanyang mga botante si Leni pero ang kanyang kapangyarihan ay depende kung anong puwesto siya maitatalaga ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte.

Sa kalakaran, ang mga bise presidente ay binibigyan ng puwesto bilang social welfare secretary gaya ni Gloria Arroyo noong panahon ni Erap, housing czar gaya ni Noli De Castro kay PGMA at ganoon din si Jojo Binay kay Noynoy.

Si Erap noong maging vice presidente ay binigyan ng magandang karera ni FVR bilang anti-organized crime czar nang buuin ang PAOCTF na naging law enforcement arm naman ang Task Force Habagat na pinamunuan ni NBI Deputy Director Federico Opinion.

Ngayon, medyo sumasakit ‘ata ang ulo ni President-elect Digong dahil wala talaga siyang maisip na puwedeng paglagyan kay Madam Leni.

Nag-iisip tuloy tayo kung bakit nahihirapan si President Digong na bigyan ng puwesto si Madam Leni.

Ano ang dahilan?

Dahil kaya hindi kilala ni Digong si Madam Leni at hindi rin niya kapado ang kakayahan ng biyudang naging mambabatas kaya hindi niya maisip kung anong puwesto ang puwede niyang ipagkatiwala?!

Nang magpahayag nga raw si Madam Leni na mas gusto niyang maitalaga sa isang opisina na may programang anti-poverty ‘e biglang ninerbiyos ‘yung mga ‘wa-kali’ na sumuporta kay Digong dahil tiyak na tatapyasin sila ng mga ‘dilawan’ sa National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Arayku!

Itutuloy daw kasi ni Madam Leni ang kanyang layunin na iangat ang mga nasa ‘laylayan’ sa pamamagitan ng isang anti-poverty program.

‘E sabi nga ni Mayor Digong, “Siyempre uunahin ko ‘yung mga kaibigan ko na tumulong sa akin.”

‘Yun na!

‘E bakit nga naman ibibigay ni Mayor Digong ang NAPC sa mga ‘dilawang mala-kaliwa’ kung nariyan naman ang mga ‘genuine left’ na ang layunin ay tunay na iangat ang kalagayan at kamalayan ng marginal sector kaysa mga ‘dilawan’ na ang programa na kayang gawin ay maging patabaing baboy at maging batugan ang tinatawag nilang mga nasa ‘laylayan’ sa pamamagitan ng mga dole-out programs.

Ang mga tunay na kaliwa raw kasi, tuturuang mamuhay at gumawa nang tama ang marginal sector.

Hindi gaya ng mga ‘dilawan’ na ang ituturo sa marginal sector, ay pumila sa tanggapan ng DSWD para mag-abang ng ibibigay nilang bulok na bigas, expired na de-lata at noodles na nagkalasa dahil sa MSG.

‘Yan ang style ng mga ‘DILAWAN.’ Maging dole-out sa tulirong mamamayan na hindi kinakalinga ng pamahalaan kaya napunta sa laylayan.

‘Yan kayang pagiging dole-out gaya ng 4Ps ay makatutulong para maiangat ang mga nasa ‘laylayan’ ni Madam Leni?!

Pakisagot na nga, Madam Leni?!

Sindikato ng konsesyon sa NAIA i-Duterte na!

SA DAANG TUWAD ‘este’ matuwid hindi lang eleksiyon ang nilalapastangan, tahasan din ang bastusan pati sa komersiyo.

Isa sa namamayagpag sa kabastusang ‘yan ang kompanya ng Jollibee na walang malasakit sa isang franchisee na malaki ang naitulong sa kanya noong panahon na nag-uumpisa pa lang siya; at sa isang suwapang na dayuhang concessionaire sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Lahat ng legal na paraan ay ginawa ng franchisee para ipagtanggol ang kanyang Jollibee fastfood restaurant sa NAIA terminal 1 Arrival area.

Lahat nang nagpupunta sa NAIA ay nahirati sa Jollibee na naroon sa arrival extension area. Doon nila dinadala ang buong pamilya.

‘Yung nag-apply ng bagong franchise sa Jollibee, ay isang concessionaire sa NAIA na kahit saan terminal sa NAIA ay mayroon siyang puwesto.

Buong NAIA yata parang kanya na.

Ang kanyang dating restaurant na nasa departure area ay isa sa maituturing na hi-end noon.

Can’t afford ang isang overseas Filipino worker (OFW) lalo kung dala niya ang buong pamilya kaya sa Jollibee sila nagpupunta.

Mukhang doon umusbong ang inggit ng suwapang na Singaporean concessionaire.

Sa kabila na sandamakmak ang kanyang negosyo sa loob ng NAIA ‘e nagahaman pa siya at ang naisipan ‘e kumuha ng franchise sa Jollibee.

Kaya hayun, nagkaroon ng Jollibee sa NAIA terminal 2 & 3. Okey lang ‘yan. Malayo naman ang Jollibee sa NAIA Terminal 1. Kumbaga walang masasagasaan o hindi magkakaagawan ng customer.

Pero mukhang hindi matahimik ang suwapang na concessionaire. Hindi talaga tumigil hangga’t hindi nakakukuha ng concession sa NAIA Terminal 1 para sa isa pang Jollibee resto.

‘E alam n’yo naman ‘yang suwapang na concessionaire, babaliktarin niya ang langit at lupa, makopo lang ang buong airport.

At mukhang ‘yun din ang nangyari sa mga TAN CAKTIONG — kaya binigyan ng franchise sa NAIA terminal 1 kahit naroon na ang orihinal na Jollibee sa Airport.

Huwag kayong magtaka kung hindi maibalik sa pangalang Manila International Airport (MIA) ang ating airport. Kasi sa kasuwapangan ng concessionaire na ‘yan, isang araw paggising natin ang pangalan na ng airport natin WONG CONCESSIONAIRE INTERNATIONAL AIRPORT.

Hindi ba’t tahasang kabastusan ‘yan sa komersiyo?!

Lamunan nang lamunan, parang buwayang walang kabusugan.

Ang masama rito, mga suwapang na concessionaire lang ang nagkakamal, at hindi tayo sigurado kung nagbabayad ng tamang buwis para sa bayan.

Mukhang isa sa dapat na busisiin ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte ang mga concession sa NAIA na lagi’t laging nakokopo ng isang suwapang na dayuhang negosyante na nagkakamal ng yaman sa propriedad ng pamahalaan.

I-DUTERTE na ‘yan!

Video karera ng lespu at media kinompiska na!

KA JERRY, abot sa 50 units ng video karera machine na pag-aari ng isang pulis at media ang hinuli/kinumpiska dto sa sa Pandacan, Maynila. Si pulis alias Tata Talyadang at RR ang maintainer. Natakot kasi mga opisyal ng Pandacan Police Station #10 na masampolan sila ni PNP Chief Dela Rosa kaya inaaksiyonan nila agad ang reklamo ng mga residente laban sa VK. Natuwa ang mga residente kay P/Insp. GEMMA ABARRA ng Pandacan Police Station sa pagkompiska sa mga video karera Machine na naging front bilang bentahan ng droga at pot session sa kahabaan ng Kahilum II near corner Purisma street Pandacan. – [email protected]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *