Pinoy seaman nakauwi na (Pitong taon nakulong sa Saudi)
Hataw News Team
May 26, 2016
News
NASA bansa na ang dating Filipino seaman na nakulong ng pitong taon makaraan saksakin ang kababayan noong 2008 sa Saudi Arabia.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at sinalubong si Jonard Langamin ng kanyang mga magulang na sina Editha at Clemente Langamin, kapwa sweet corn vendor, dakong 10 a.m. nitong Martes.
Hinatulan ng kamatayan si Langamin makaraan saksakin ang kapwa niya seaman na si Robert Mendoza, Jr., habang sakay sila ng barko sakop ng teritoryo ng Saudi Arabia.
Nagsimula ito nang ayaw pakantahin ni Mendoza si Langamin habang sila ay nagkakasiyahan sa barkong nakadaong.
Pinatawad si Langamin ng mga kaanak ng biktima noong 2012 sa pamamagitan ng pagbibigay ng pormal na liham ng pagpapatawad o kilala sa tawag na “tanazul” sa Saudi Arabia.
Samantala, sinabi ni Susan Ople, overseas Filipino worker (OFW) advocate, 2011 pa nang simula nilang bantayan ang kaso ni Jonard. Tinulungan siya at ang kanyang pamilya ng Ople Center upang magkaroon ng ugnayan sa ama ng biktima na si Robert Mendoza.
Hinikayat din ng Ople Center ang gobyerno ng Filipinas na tulungan ang dalawang pamilya upang magkaharap at magkaayos.
Tinukoy ng dating labor undersecretary na si Ople, ang ibinigay na pagpapatawad ng pamilya Mendoza sa kabila ng kabiguan ng Langamin na ibigay ang kabuuang P4-milyong blood money.
Bumaba sa P2-milyon ang blood money nang mamagitan si Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Ople, ang pagbabalik ni Jonard ay tungkol sa pagpapatawad. Ang pagpapatawad ng pamilya Mendoza ang dahilan kaya’t naging posible ang reunion ng pamilya.
Itinakda ng Blas F. Ople Center ang pagpupulong ng ama ng biktima at ni Jonard Langamin ngayong Huwebes, Mayo 26, dakong 3 p.m. sa Taguig City.
Gusto ng pamilya Langamin na personal na magpasalamat kay Mang Bert Mendoza at muling humingi ng tawad sa trahedyang naganap walong taon na ang nakararaan.