SUPORTADO ng LGBT ang nakaaaliw na pelikula nina Michael Pangilinan at Edgar Allan Guzman na Pare Mahal Mo Raw Ako na showing sa June 8.
Sa kanilang presscon, naging sentro ng tanong ang tungkol sa kabadingan.
Of course, hindi maiaalis ang tanong kung posibleng ma-in love ba sila sa gay at kung gaano kalaki ang respetong maibibigay nila sa mga member ng third sex.
Si EA (Edgar Allan) ay aminadong may kuya siyang bading kaya pinaghugutan niya ito sa kanyang papel sa Pare Mahal Mo Raw Ako.
“Kasama ko araw-araw ang kapatid ko, ramdam ko kung kailan siya masaya. Alam ko kung kailan siya may pinagdaraanan. Every scene na may saya, may kurot, may sakit, ang kapatid ko ang pinaghuhugutan ko kasi ‘pag iniisip ko ‘yun naiiyak na ako, eh,” deklara ni Edgar.
Hindi niya ikinahihiya kung may gay siyang kapatid bagkus minahal niya ito. Nariyan daw siya para ipagtanggol ang utol niya ‘pag may nang-api rito.
Si Michael naman ay hindi isinara ang posibilidad na magmahal ng isang gay.
Depende raw kung paano siya mahalin at kung gaano ito kabait.
“Ayokong magsalita ng tapos na hindi ako papatol sa bading. Pero sa ngayon, hindi talaga hangga’t kumakain pa ako ng tatlong beses sa isang araw. Pero hindi naman sa pera lang ang habol ko sa bading. Ang ibig ko lang sabihin ‘yung kapag walang-wala na ako, talagang naghihirap na ako, ‘yung wala na akong matatakbuhan, tapos may dumating na pagkakataon na may bading na nagkagusto sa akin na makatutulong sa akin, baka sakaling pumatol ako,” deklara niya.
Malaki raw ang nagawa ng bading sa buhay niya at career. Masaya raw kasama ang mga bakla. Walang problema na maging kaibigan ang mga ito basta’t walang bastusan at dadakmain siya.Rebelasyon din niya na sa isang show sa Iloilo ay may isang bading na talagang nahipuan siya at sakto talaga sa maselang parte ng katawan niya. Pasalamat daw ‘yung baklang ‘yun at hindi nahawakan ni Michael ang kamay nito or else, hindi niya alam kung ano ang magagawa niya.
Anyway, excited si Michael sa nalalapit na showing ng kanyang movie.
“Thank God at maipalalabas na finally sa malaking telon itong napakasayang pelikula naming ‘Pare Mahal Mo Raw Ako’. Minsan na nga lang tayo nakaaarte sa screen, akala ko mauunsiyami pa. Ha!Ha!Ha!” natatawang pahayag ng guwapong singer-actor.
“Dito ko pa naman ibinuhos ang kaunting nalalaman ko sa pag-arte tapos natagalan pa bago maipalabas. Pero ngayon puwede na nating i-announce that we got the June 8 playdate na and that’s final,” dugtong ni Michael.
Bukod kina Michael at EA, kasama rin sa pelikula sina Joross Gamboa, Martt Evans, Anna Capri, Katrina Legaspi, Nikko Seagal, Miggy Campbell, at Ms. Nora Aunor.
Bukod sa director ng Pare Mo Raw Ako si Diek Joven Tan ay isa rin sa producers nito kasama sina Jobert Sucaldito, Fred Sibug, Carlos Sario Jr., at Capt. Ernie Moya.
TALBOG – Roldan Castro