Digong bukas sa kritisismo
Hataw News Team
May 19, 2016
News
DAVAO CITY – Bukas sa mga kritisismo si president-elect Rodrigo “Rody” Duterte bilang isang public servant.
Ayon sa kanya, ang mga kritisismo, mabuti man o masama, totoo man o hindi, ay bahagi ng ‘territory of governance’ ng publiko.
Dagdag ni Duterte, hindi niya pipigilan ang sino mang kritiko kagaya ni Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, na magpahayag sa kanyang saloobin.
Ayon sa kanya, tutol man siya sa sasabihin ng mga kritiko, ngunit dedepensahan niya ang kanilang mga karapatan na sabihin ang kanilang opinyon dahil isang malayang bansa ang Filipinas.
Pahayag pa ni Duterte, hindi niya uutasin ang political enemies ngunit maaari niyang ikuwestiyon ang mga ito.
Maaaring kung maupo na siya bilang presidente, tatanungin niya ang mga umakusa sa kanya, ngunit hindi niya lilitisin.
Aniya pa, kung gusto ng publiko na malaman ang transactions sa pamahalaan, iaatas niya ang transparency.
Bukas din aniya siya maging sa mga kritisismo ng mga kasapi ng media at hindi sila sasaktan.
Amnestiya sa political prisoners
KINOMPIRMA ng National Democratic Front of the Philippines kahapon, gagawaran ni presumptive President Rodrigo Duterte ng amnestiya ang lahat ng political prisoners sa layuning wakasan na ang apat dekadang communist insurgency.
Ikinatuwa ni NDFP chairperson Luis Jalandoni ang planong ito ni Duterte na naglalayong buhayin ang nabinbing usapang pangkapayapaan sa rebeldeng komunista.
“Natutuwa kami na sinabi ni President-elect Duterte na magkakaroon ng general amnesty declaration ‘pag siya ay presidente na para mai-release itong mga political prisoner,” pahayag ni Jalandoni.
Sinabi ni Jalandoni, sa kasalukuyan ay mayroong 543 political prisoners, 88 sa kanila ay mga maysakit at matatanda na.
Mula sa kabuuang bilang, 18 sa kanila ang NDF peace consultants habang tatlo ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Sinabi ng NDFP chairperson, ang usapang pangkapayapaan sa Aquino administration ay nabigo noong 2011 dahil sa pagtanggi ng pamahalaan na palayain ang mga political prisoner.