Utol ni Pacman pekeng kandidato, pekeng Congressman
Jerry Yap
May 18, 2016
Bulabugin
HINDI natin alam kung bakit hinahayaan ng Commission on Elections (Comelec) na mabahiran ng pagdududa ang pamamahala nila sa eleksiyon.
Gaya ng kaso ng utol ni 8-division boxing champion Manny Pacquiao na si Rogelio “Ruel” D. Pacquiao.
Tumakbo si Ruel, ang utol ni Manny, bilang congressman sa Saranggani.
Ito ‘yung puwestong iniwan ni Pacman, dahil siya ngayon ay isa na sa ating mga Senador.
Pero, batay mismo sa pagsisiyasat ng abogadong si Atty. Berteni “Toto” Causing, maraming hokus-pokus na ginawa ang utol ni Pacman para makapaghain ng Certificate of Candidacy (COC) sukdulang babuyin at paglaruan ang mismong dokumento ng kanyang kapanganakan (birth certificate).
Sa kanyang voter’s registration sa Barangay Apopong, General Santos City, sa Precinct No. 0067C, ang kanyang birthday ay nakatala bilang June 17, 1982.
Ang kanya namang voter’s registration sa Alpha Village, Alabel, Sarangani, ang kanyang birthday ay nakatalang September 17, 1982.
Naghain siya ng kanyang certificate of candidacy noong October 12, 2015 habang ang kanyang registration bilang botante ay noong October 19, 2015.
Ganyan kalupit ang hokus-pokus na umano’y ginawa ng kampo ni Ruel Pacquiao.
Wala tayong problema, kung lokohin man ni Ruel ang kanyang sarili para papaniwalain ang kanyang mga kababayan na siya ay karapat-dapat maging kongresman.
Ang dapat kasing magdala ng problemang ‘yan, ‘yung mismong gumawa at ang ahensiyang nakatalaga rito, gaya nga ng Comelec.
At ‘yun talaga ang labis na ipinagtataka natin.
Bakit pinagtibay ng Comelec ang kandidatura ng utol ni Pacman na si Ruel gayong sandamakmak ang discrepancies?!
Sa simulang-simula pa lamang ay marami nang mali o sinadyang mali sa kanyang mga rekesitos, bakit pinayagan ng Comelec?!
Magkano ‘este’ ano ang dahilan!?
Nauna pang maghain ng COC kaysa magparehistro bilang botante, hindi ba malinaw na panggagago ‘yan, Comelec Chairman Andy Bautista?!
Paano naaprubahan ang kandidatura ng utol ni Pacman?
At ang masaklap, nanalo pa?!
Wattafak!?
Anong rektipikasyon ang gagawin ng Comelec para ituwid ang kabuktutang ito?!
Paki-explain nga!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com