7 Chinese, 1 pa arestado ng NBI sa anti-drug ops
Leonard Basilio
May 17, 2016
News
NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong Chinese nationals at isang Filipino sa isinagawang anti-illegal drug operation sa magkahiwalay na lugar sa Pandi, Bulacan at Binondo, Maynila.
Kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paeraphernalia) ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isinampagang kaso laban kay Johnny Santos Estrella ng Siling Bata, Pandi, Bulacan, habang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kinakaharap ng mga suspek na sina Dong Haifeng, Dong Lu, Zhang Zongrong, Jinchun Huang, Yongan She at dalawang babae na sina Dan Lu at Wei Yongan Yang.
Sa report ni NBI Director Virgilio Mendez, si Estrella ay naaresto sa loob ng kanilang bahay sa Pandi, Bulacan habang ang pitong Chinese national ay naaresto sa loob ng kanilang condominium unit sa Grace Tower, Lavezares St., Binondo, Maynila.
Nauna rito, nagsagawa ng surveillance operations ang NBI hinggil pagkakaugnay ng mga suspek sa droga at nang nagpositibo ay humingi ng seach warrant sa korte na nagresulta sa pagkaaresto sa mga salarin.
Nagkuha sa pag-iingat ng suspek na si Estrella ang tinatayang 72.75 gramo ng shabu at hindi lisensiyadong kalibre .45 baril.
Habang tinatayang 16.4684 gramo ng shabu na nakalagay sa plastic tea bag at plastic na balde, at ilang kalibre ng baril, bala at mga kutsilyo na nakalagay sa isang backpack ang nakompiska mula sa Chinese nationals.
Nabatid na si Estrella ay dalawang beses nang nasentensiyahan kaugnay sa kaso ng droga at nakulong sa New Bilibid Prisons (NBP).
Habang ang Chinese nationals ay nagsisilbing drug couriers at karamihan ng kanilang mga kliyente ay kapwa nila Chinese.
Hihininalang kabilang sila sa grupo ng drug syndicate na gumagamit ng dahas na nagreresulta sa pagdukot sa mga kliyente nilang kapwa Chinese na kanilang dinadala sa warehouse at ikinukulong hangga’t hindi nakapagbabayad ng kanilang pagkakautang.
Ang mga suspek ay nakakulong sa NBI detention cell.