Babae pupuno sa gabinete ni Duterte
Hataw News Team
May 13, 2016
News
INIHAYAG ni Sen. Pia Cayetano na 50 porsiyento ng gabinete ng Duterte administration ay pawang mga babae at sila ay iluluklok sa mga ahensiya na tututok sa kapakanan ng mga kababaihan upang masiguro ang lideratong “gender balance.”
Napag-alaman, kinuha na rin ni President-elect Rodrigo Duterte si Sen. Pia Cayetano bilang adviser para sa selection committee.
Si Pia ay kapatid ng tandem ng mayor na si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, natalo sa halalan batay sa quick count.
Ayon kay Peter Laviña, tagapagsalita ni Duterte, ibinigay ang nasabing responsibilidad kay Senadora Cayetano upang maisakatuparan ang “gender sensitive program” sa administrasyon.
Sa pagtitipon na isinagawa ng transition committee sa Davao City, inihayag ang criteria sa pagpili ng mga hahawak ng posisyon sa gabinete.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng shared vision ng mga prospective officials, may integridad, abilidad, gender perspective at personal sacrifice.
Kailangan aniya ng personal sacrifice dahil maliit lang ang sahod sa gobyerno at halos mula pa sa private sector ang iluluklok na mga opisyal.
Asahan din aniya na bago ang Hunyo 30 ay makokompleto na ang listahan ng mga bagong opisyal sa ilalim ng Duterte government.
Bago ito, una nang inilutang ang ilang mga pangalan na posibleng maging bahagi ng bagong gabinete.
Kabilang sa kanila ang dating kaklase ni Duterte na si dating Press Secretary Jess Dureza na itatalaga bilang peace adviser, Carlos “Sonny” Dominguez at Clark Development Corporation executive Art Tugade bilang bahagi ng economic team.
Si Dominguez ay dating agriculture secretary noong Cory Aquino at Fidel Ramos presidency.
Ang isa pang abogado ni Duterte na si Atty. Sal Panelo ay tutulong din daw sa pagbuo ng press office.
Una nang inalok ni Duterte si Sen. Alan Peter Cayetano na maging Foreign Affairs secretary o kaya ay Justice secretary.
Ang kanyang long time chief of staff na si Bong Go ay sinasabing tiyak din mabibigyan nang puwesto.
Ilang retired AFP generals din na malapit kay Duterte ang posible rin maitalaga sa Palasyo.