Lim kumasa sa ‘guerilla style’ na caucus sa Baseco
Leonard Basilio
May 9, 2016
News
LIBO-LIBONG residente ng Baseco ang humarang sa motorcade nang nagbabalik na alkalde ng Maynila na si Alfredo S. Lim nang magtungo siya roon para kumampanya, dahilan upang mapilitang magsagawa ng caucus, ‘guerrilla style.’
Sa gitna ng hiyawan at patuloy na pagtawag sa pangalan ni Lim, nagtipon ang mga residente sa mismong gitna ng kalsada, kung kaya’t hindi kinayang umandar ng kanyang motorcade.
Napag-alaman, hindi makapagsagawa ng caucus si Lim sa naturang lugar dahil sa patuloy na pagtanggi ng tanggapan ng barangay chairman na magbigay ng kaukulang permit.
Dahil dito, nagpasya si Lim, na noon ay kasama si barangay chairman at Fifth District candidate for councilor Jim Adriano, na magsagawa nang biglaang caucus sa ibabaw mismo ng pick-up vehicle na siya ring nagsisilbi niyang float, gamit ang isang microphone na ikinabit sa speaker na pinatutugtog ang kanyang campaign jingle.
Nagkataon na ang naturang impromptu caucus ay naganap sa pagitan ng Corazon Aquino High School at Benigno Aquino Elementary School na parehong ipinatayo ni Lim para sa mga batang mag-aaral na residente ng Baseco upang di na sila gumastos ng pasahe sa araw-araw na pagpasok sa eskuwela.
Sa kanyang pananalita, nagpahayag ng kompiyansa si Lim, na palagiang number one sa mga suvey sa pagka-alkalde, hindi hahayaan ng mga residente ng Baseco na may uminsulto sa kanilang pagkatao sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang boto.
Ginawa ni Lim ang pahayag sa gitna ng mga ulat na may mga tauhan ang isang maperang kandidato na mag-iikot para mag- ‘operate’ sa Baseco at iba pang lugar na baluwarte nina Liberal Party standard bearer Mar Roxas at Lim, kapalit ng P3,000 kada ulo ay lalagyan ng indelible ink ang hintuturo ng isang botante upang hindi na siya makaboto sa presinto.
Sa kanyang panig, nanawagan si Adriano sa mga residente na mas bigyang-halaga ang kinabukasan nila at ng kanilang pamilya dahil ang mga libreng serbisyong ginagawa ng administrasyon ni Lim gaya ng libreng kolehiyo at mga serbisyo sa ospital ay pawang pangmatagalan nilang pakikinabangan kaysa P3,000 na maaaring maubos sa loob lang ng ilang araw.
Binigyang-diin din ni Adriano kung paano ibinuhos ni Lim ang atensiyon sa Baseco at ang importansiyang ibinigay niya sa mga residente rito, nang gawin niya itong isang maliit na lungsod na kanyang pinatayuan ng high school at elementary school, pampublikong palengke, playground at evacuation center, bukod pa sa ipinakonkreto ang mga kalsada.
Habang tumagal ay lalo namang kumapal ang tao kung kaya’t naging instant caucus ang dapat sana ay simpleng motorcade lang, naghiyawan ang mga residente nang tiyaking muli ni Lim ang mga gagawin gaya nang ibabalik ang mga libreng serbisyo sa mga ospital, magbibigay ng P2,000 sa senior citizens sa unang araw sa City Hall at aalisin ang walang tigil na towing at malalaking multa ng mga pedicab at tricycle.