Ang aking huling anim na senador para sa Mayo 9
Jerry Yap
May 6, 2016
Opinion
NAUNA na po nating nairekomenda ang anim na Senador na iboboto ng inyong lingkod — Senator JUAN MIGUEL ZUBIRI, Senator RICHARD GORDON, former MMDA chair FRANCIS TOLENTINO, Madam SUSAN ‘Toots’ OPLE, Atty. LORNA KAPUNAN at Senator PING LACSON.
Ngayon naman po ang huling anim na senador pa…
Si dating Bayan Muna party-list congressman NERI COLMENARES.
Bilib tayo kay senatorial candidate Neri Colmenares dahil hindi siya nagsasawang ipaglaban ang karapatan ng sambayanan.
Mula sa SSS pension na ini-veto ni PNoy hanggang sa makupad na internet service providers (ISP) ng malalaking kompanya ng Globe at PLDT ay sinisikap ni Cong. Neri Colmenares igiit ang karapatan ng mamamayan.
Hindi rin siya gaya ng ibang mambabatas na 8pm-5pm ang work habit, 25/8 ang serbisyo niya sa bayan.
Kaya nga taon-taon, may utang pang mga oras at araw ang kalendaryo kay future senator Neri Colmenares, sa sipag niyang magtrabaho.
Hindi po kayo magsisisi kapag ibinoto natin si future senator Neri Colmenares ang fiscalizer sa Senado.
Si JERICO “Icot” PETILLA, papasukin po natin sa Senado ang isang gaya niya. Malaki ang maitutulong niya para maigiya ang mga mambabatas kung paano ipatutupad ang batas sa malalayong baryo na hindi inaabot ng sibilisasyon.
Sabi nga, ang batas ng isang bansa ay para sa lahat ng mamamayan lalo na bilang proteksiyon sa maliliit nating kababayan, pero sa nangyayari ngayon, ang batas ay pinapaikot lang ng mga may salapi at impluwensiya sa lipunan.
Kay Icot Petilla, tiyak ang ikot ng batas para sa pag-unlad ng malilit nating kababayan.
Ibalik po natin sa Senado si Senator SERGE OSMENA, kailangan ng tunay na beteranong bihasa sa corporate law, bihasa rin sa pagpapaunlad ng industriya.
Serge Osmeña po, huwag kalimutan.
MARTIN ROMUALDEZ, isama na rin sa inyong listahan. Bata at masipag. Hindi pagpapraktisan ang Senado kundi magtatrabaho nang totoo.
Tito Sen (TITO SOTTO), kasama po tayo sa mga gusto siyang maging No. 1. Wala pa sa politika, tumutulong na. Pursigido labanan ang problema ng bansa laban sa ilegal na droga.
Sabi nga, hindi kailangang henyo lang sa Senado, mas kaila-ngan ang mga mambabatas na nakalapat ang paa sa lupa.
Si Tito Sen ‘yan.
Ang idol nating si EDU MANZANO. Hindi lang pang-showbiz, pang-legislative pa.
Siya na siguro ang magsusulong ng mga batas na magbibigay ng proteksiyon sa entertainment industry.
Ilang taga-showbiz ang naglabas ng hinaing sa atin na baka si Edu na ang tunay na makapagbibigay ng suporta at kalinga sa kanila.
Isama po natin siya sa mga bagong mukha na iluluklok sa Senado — Edu Manzano.
‘Yan na po ang kompletong listahan ng ating mga Senador.
MIGZ ZUBIRI
DICK GORDON
PING LACSON
LORNA KAPUNAN
SUSAN OPLE
FRANCIS TOLENTINO
NERI COLMENARES
EDU MANZANO
JERICO PETILLA
TITO SOTTO
MARTIN ROMUALDEZ
SERGE OSMENA
Personal choice po natin ‘yan at inirerekomenda na rin kung kulang pa ang inyong listahan.
Higit sa lahat, sama-sama po tayong magdasal para maging maayos at mapayapa ang halalan sa Lunes, Mayo 9.
Tara, let’s exercise our right to vote!
Wala pa rin linaw sa kuwestyonableng kontrata ng Manila Zoo
Hindi na matapos-tapos ang issue na idinidiin sa pamahalaan ng lungsod ng Maynila.
Nag-akusa ang kampo ni dating Manila Ma-yor Alfredo Lim na malaki ang anomalyang kinasasangkutan ng JV (Joint Venture) na pinasok ni Mayor Joseph “Erap” Estrada para sa rehabilitas-yon ng kilalang Manila Zoo.
Inakusahan na may gagawing sabungan sa loob ng nasabing lugar.
Ayon sa detalyadong usapan dito, ang Metropolitan Zoo and Botanical Park Inc. (MZBPI), ay magkakaroon ng 25 years na upa sa nasabing lugar na may sukat na 6 ektarya kasama ang ka-tabing Dakota Park.
Ayon sa tumatakbong Konsehal sa Manila 3rd district sa kampo ni Lim na si ret. Col. Mar Reyes, nakapagtataka na pumasok ng ugnayan ang Maynila sa MZBPI na kahina-hinala ang pagtaguyod ng kanilang negosyo.
Sabi ni Reyes, dalawang taon pa lamang ang nasabing korporasyon noong panahong pinag-uusapan ang nasabing proyekto. Dagdag dito hindi umano malaki ang kanilang kapital na nagkakahalaga ng P125M.
Wala rin daw ‘track record’ ang nasabing MZBPI sa ganitong uri ng pamamalakad kung ang pagbabasehan ay dalawang taon na pagtataguyod ng MZBPI.
“Saan kayo nakakita ng ganito kabilis na pagbibigay ng kontrata sa MZBPI? Mukhang fastbreak ito bago magkaroon ng election ban sa pag-aprub ng mga kontrata sa City Hall,” ani Reyes.
Dagdag ni Reyes, napaka-paborable sa MZBPI ang kontratang pinayagan ni Erap na walang habol ang lokal na gobyerno kung sakaling pumalpak ang nasabing kontratista.
Ayon ka Reyes, walang malinaw na usapan ang detalyadong paggastos sa nasabing rehabilitasyon ng Manila Zoo, kasama ang Dakota Park pati na rin ang pondo ng MZBPI upang simulan ang proyekto na tila todo asa lamang sa pondong mangaggaling sa Maynila.
“Akalain ninyo, ibinigay ang kapangyarihan at awtoridad sa MZBPI na gamitin ang mga gagawin nilang estruktura sa Manila Zoo bilang ‘mortgage security’ kung sakaling kulangin sila ng pondo at nangangailangan na umutang sa banko? E pag-aari ng Maynila ito,” dagdag ni Reyes.
Ang rehabilitasyon ng Manila Zoo ay aabot sa P1.5-bilyon ayon sa mga unang pako ‘este’ pangako ni Estrada nang mahalal siyang mayor noong 2013.
Paki-explain nga!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com