Friday , November 15 2024

Pera ni Duterte

ANIM na araw na lang at halalan na pero hindi pa rin tinatantanan ng kontrobersiya ang kandidato para pangulo na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Naulat na P400 milyon umano ang tinatanggap niyang intelligence fund bilang alkalde kaya puwedeng gumasta ng mahigit P1 milyon sa araw-araw kung gugustuhin.

Hindi kasi mahigpit ang Commission on Audit (COA) sa pagbusisi kung paano gagamitin o gagastahin ang intelligence fund.

Maaalalang sa ad ni Duterte ay sinabi niya na hindi niya kayang tapatan ang political machinery ng mga kalaban kaya ang magsisilbing makinarya ang kanyang mga tagasuporta. Sa madaling salita ay ipinalalabas ni Duterte na mahirap lang siya pero taliwas ito sa lumabas na ulat.

Ang hinala tuloy ng marami ay posibleng sa naturang intelligence fund nagmula ang mahigit P200 milyon na ayon kay Senator Antonio Trillanes IV ay nakadeposito sa account ng matapang na alkalde sa BPI at mga property, na hindi nakadeklara sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Bukod pa rito ang pahayag ng senador na mula 2009 hanggang 2011 ay nagkaroon si Duterte ng mga transaksiyon sa banko na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.

Sa mga kaganapang ito ay kapuna-puna na pabago-bago ang pahayag ni Duterte. Noong una ay itinanggi ng kanyang kampo na may deposito siya sa sangay ng BPI sa Julia Vargas Avenue, Pasig City na kasama ang anak na si Sara.

Pero nang lumabas sa social media ang katibayan ng kanilang joint account, biglang nagbago ang ihip ng hangin at inamin niya na may ilan siyang bank accounts sa BPI.

Hindi rin maliwanag ang pahayag ni Duterte sa pitong transaksiyon na nagkakahalaga ng P193 milyon na pumasok umano sa kanyang accounts sa kanyang kaarawan noong 2014. Ang sagot ng alkalde ay marami siyang kaibigan na mayaman, at nagastos na niya ang pera.

Ngunit noong Sabado ay nagpakita ang kanyang kampo ng bank document mula BPI J. Vargas branch na nagsasabing ang account ni Duterte mula Disyembre 31, 2015 hanggang Marso 31 ay may balanseng P17,668 na tumaas sa P27,024.09 noong Abril 29.

Ayon kay Jose Teodoro Limcaoco, opisyal ng Ayala Corp., na nagmamay-ari ng BPI, walang breach of client confidentiality na naganap sa account ni Duterte. Hindi raw nila alam kung saan nakuha ni Trillanes ang kanyang impormasyon.

Bukod sa kuwestiyon kung naging tapat si Duterte sa publiko at gobyerno kaugnay ng kanyang pera at ari-arian, ang maliwanag dito ay pabago-bago pa rin ang takbo ng kanyang isipan.

Para sa isang tumatakbong pangulo ay hindi magandang katangian ang pabago-bago ang isip at kawalan ng katiyakan sa desisyon. Maaalalang sa pagdedesisyon kung tatakbong pangulo ay naging urong-sulong din siya.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *