SINO kaya ang sinasabi ni Melai Cantiveros na magkakabalikan sa We Will Survive?
Buong ningning niyang sinasabi sa Facebook Live habang nag-aayos ng mukha para sa taping ng afternoon series na We Will Survive.
Tuluyan kasing makatatakas si Maricel (Melai) mula sa pagpapahirap ng kanyang mapang-abusong employer at nalalapit nang makita ang anak niyang naiwan sa Pilipinas.
Matapos mapagtagumpayan ang pagtakas mula sa kanyang mga amo, isang Filipino ang tutulong kay Maricel upang makauwi at muling makasama ang kanyang pamilya.
Ngunit nagbabadyang magbago ang kanyang pagkasabik ngayong unti-unti nang lumalambot ang puso ni Wilma (Pokwang) para kay Pocholo (Carlo Aquino) at pinayagan na itong makilala at makasama ang anak nito kay Maricel na si Jude (John Steven De Guzman).
Ano kaya ang mararamdaman ni Maricel kapag nalaman niyang napapalapit na si Jude sa kanyang ama? Ito kaya ang maging mitsa ng pagkakasira ng pagkakaibigan nila ni Wilma?
Marami pang dapat abangan kaya tutukan ang teleseryeng nagpapakita na gaano man kapangit ang mundo, gaganda ang buhay basta’t magkasama tayo, ang We Will Survive, 5:00 p.m. sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
TALBOG – Roldan Castro