Mga kasalanan at kakulangan ni De Lima sa taongbayan (2)
Jerry Yap
April 26, 2016
Opinion
ITULOY lang natin ang serye ng mga paganda at pagpapabango sa media ni dating DOJ Secretary De Lima pero wala namang ginawa sa pagreporma ng sistema sa DOJ.
Nag-aambisyong maging mambabatas si dating Madam Secretary, pero ano ba talaga ginawa o hindi niya ginawa nang siya’y naupo sa DOJ?
Maaalalang bago naikulong si Janet Lim Napoles, ang reyna ng PDAF scam, naakusahang nag-aabogado si De Lima kay Napoles nang iniimbestigahan ng Senado. Nabalita rin dati na isa sa dahilan kaya umano nakapagtago sumandali si Napoles at hindi agad napasakamay ng batas ay dahil sa laging pagdadaldal ni De Lima sa harap ng media.
At nariyan na rin lang tayo sa isyu ng PDAF, hindi ba’t pareho si De Lima at Ombudsman Conchita Carpio Morales sa style bulok na “selective justice?” Kinasuhan ang mga kalaban sa politika ni PNoy. Ang mga kaalyado ng Pangulo at ng adminsitrasyon? Safe sa asunto.
Akala ba natin ay may piring sa mata ang hustisya at hindi namimili, walang sinasanto. E si De Lima malinaw na may mga pinapaboran kahit malinaw na damay na sa PDAF scam.
Ano klaseng Justice Secratary siya?
Abangan pa ang mga susunod.
Mas masustansiya ang mga sagot ni Mar Roxas sa huling PiliPINAS Debate
HINDI naman maka-Mar Roxas ang inyong lingkod.
Pero napansin lang natin na sa lahat ng kandidato, si Mar Roxas ang nakapaglatag ng malinaw na solusyon sa bawat problemang isinasahapag ng mga nagtanong sa nakaraang PiliPINAS Debate sa Pangasinan.
Kung bentaha at karanasan ang pag-uusapan, naipakita ni Secretary Mar na siya ang karapat-dapat na iboto ng mga tao.
Lohikal ang mga inilatag niyang solusyon. Kumbaga konkreto hindi ‘drawing.’
In fairness, ganoon din naman si Vice President Jojo Binay, ‘yun nga lang madalas siyang sumahod sa mga patutsadahan.
Si Senator Miriam Defensor-Santiago, hindi naman naghuhulas ang bilib natin sa kanya pero parang mayroon siyang mga lapses. Resulta siguro ng anti-cancer pill na iniinom niya?
‘Yung dalawa?
Parang isang magulong balangkas ng isang istorya na hindi nila alam kung paano sisimulan ang pamamahala.
‘Yung isa, sabi nang sabi ng mga gagawin niya na parang eksperto sa executive task. E bagitong-bagito nga sa politika.
‘Yung isa naman, parang siga na ipahuhuli, ipapapatay o lilinisin daw ang Filipinas…
At ang ipanglilinis ay ‘dugo’ ng mga tinatawag niyang kriminal.
Tsk tsk tsk…
Sa loob ng 10 araw, mga suki, puwede pa tayong magmuni-muni. Pakaisipang mabuti kung sino ang isusulat sa balota.
Alalahanin ninyong, anim na taon tayong pamumunuan ng nag-iisang tao.
Sana lang, pag-isipan po nating mabuti…
‘Yun lang.
DepEd voucher para sa senior high school, tulong sa estudyante o raket kasabwat ang private schools?
MARAMI pong mga magulang ang dumaraing ngayong pasukan lalo na ‘yung mayroong estudyanteng papasok sa Senior High School (SHS).
Noong isang taon daw kasi, marami ang nag-apply sa state universities na magbubukas ng SHS.
Pagkatapos mag-fill up ng application sinabihan silang ipatatawag kapag kailangan na.
Nang tanungin nila kung paano sila makapag-a-avail ng DepEd voucher para sa SHS, ang sabi sa kanila, hindi raw kailangan kung sa state university papasok ang mga anak nila. First come first serve daw.
Heto ngayon ang siste.
Nang mag-follow-up na ‘yung bata dahil nabalitaan nila na tumatanggap na raw ng DepEd voucher ang state university na kanilang pinag-apply-an, biglang nagkaroon ng policy na NO DepEd VOUCHER, NO ENTRY.
Hayun, biglang nataranta ‘yung bata.
Ang tanong ngayon, ilang SHS student kaya ang nabiktima ng ganito kaburarang sistema ng DepEd?!
Hindi ba malinaw na hindi pa naman talaga kayang ipatupad ng DepEd ang K-12 program?
Kitang-kita na hindi sila handa sa maraming aspekto.
At saan kukunin ang ipopondo sa DepEd voucher na nagbabayad nang halos kalahati ng tuition fee sa mga private schools para sa SHS?!
Kung sakali mang nabigyan ng DepEd voucher na sasagot sa kalahati ng tuition fee ng SHS, saan kukuha ng kalahating ipambabayad ang mga estudyanteng walang trabaho ang magulang o ‘yung ibang may hanapbuhay nga, pero kulang pa sa panggastos sa isang araw ang kinikita?!
Hindi ba’t malinaw pa sa liwanag ng buwan na siguradong kikita ang private schools sa DepEd voucher pero ‘yung mga estudyante, hindi siguradong matatapos nila ang academic year?!
Sino ba talaga ang pinapaboran ng DepEd voucher na ‘yan?!
Mga mahihirap na estudyante ba talaga? O ang private schools/universities?!
Secretray Armin Luistro, masdan ang ginawa mo!
Pakikiramay sa pamilya ni Loy Caliwan
LUBOS pong nakikiramay ang inyong lingkod sa pamilya ng veteran broadcast journalist na si Loy Caliwan sa kanyang pagyao.
Si Loy ay unang nakilala natin sa Manila International Airport (MIA) hanggang magkasama kami sa NAIA Press Corps.
Ilang beses rin tayong sinuporatahan ni Loy sa panahon na tayo’y aktibong director nang kung ilang taon sa National Press Club (NPC) hanggang maging Presidente ang inyong lingkod.
Hindi natin puwedeng makalimutan ang pangangampanyang ginawa niya para sa atin.
Marami-rami na rin naman tayong mga kaibigan sa Airport media na ‘sumalipawpaw’ na patungo sa Dakilang Pinagmulan…
Palagay natin ‘e magkikita sila roon, at nagsipagbuo na ulit ng press corps. (Joke).
Hangad natin ag mapayapang paglalakbay ni Kuyang Loy…
So long.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com