Comelec database totoy lang ang katapat!
Jerry Yap
April 23, 2016
Bulabugin
KATUWAAN o payabangan lang ang dahilan kung bakit daw ini-hack ng isang IT fresh graduate ang database ng Commission on Elections (Comelec).
Nag-umpisa lang daw sa hamunan sa hanay ng mga ‘totoy’ sa info tech na madali lang daw at kayang-kaya nilang pasukin ang data base o server ng Comelec.
At bilang tanda na kaya niyang gawin ay pinalitan niya ang itsura nito. Na-penetrate nila ang classified information ng mga botante.
Laro lang ‘yan sa kanila. ‘Yun bang tipong, wala lang, nakatuwaan lang.
Delikado ang kaburaraang ‘yan ng Comelec.
Lalo na ngayong halos dalawang linggo na lang ay eleksiyon na.
Paano makatitiyak ang mga botante na sa araw ng eleksiyon sa Mayo 9, ay walang aberyang mangyayari lalo’t ang pagboto ay isasagawa sa pamamagitan ng PCOS?
Diyan pa lang kitang-kita na ang kaburaraan at kahinaan ng Comelec.
Ang laki ng inilalaang budget sa pagmamantina ng IT system ng Comelec pero napaglalaruan lang ng mga ‘totoy’ sa infotech industry.
Sonabagan!
Hindi man lang ba idinaan sa hacking testing ang Comelec database & website bago inilarga?
Sayang naman ang milyones na binabayad ng Comelec sa kanilang service provider!
Kasi naman, feel na feel ni Comelec spokesperson Director James Jimenez na pirming nakaharap at nagpapakyut sa camera kaysa tumulong sa pagtitiyak na maayos at mahigpit ang seguridad ng service provider ng Comelec.
Sa totoo lang, dabat mabahala ang Comelec at taumbayan sa pangyayaring ‘yan.
Gusto tuloy natin isipin na baka ‘prelude’ ng dayaan ‘yan sa eleksiyon?!
‘Wag naman sana…
Sabi ni Comelec Chairman Andres Bautista, “walang epekto ang hacking sa eleksiyon dahil ilang features lang ng website ang naapektohan kasama ang precinct finder.”
Mantakin ninyong ‘precinct finder’ ang nadale?!
Hindi ba malinaw na panghihimasok ‘yan sa privacy ng isang botante?!
Chairman Andy, huwag bitaw nang bitaw ng statement hangga’t hindi kayo sigurado.
Makikisuyo na, puwede bang i-check n’yo mabuti ang website ng Comelec na ginagastusan ng buwis ng mga botante?!
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com