Ka Romy Sayaman kahit naisahan nakahanda pa rin tumulong
Jerry Yap
April 22, 2016
Bulabugin
NAKALULUNGKOT ang nakarating sa ating pangyayari ukol sa kaibigan nating si ASSI operator Romy Sayaman sa paghahangad niyang bigyan ng boses ang maliliit na manggagawa ng airport transport employees ay nasakripisyo pa umano ang malaking halaga ng kanyang salapi sa ilang ‘mandurugas’ sa Commission on Elections (Comelec)?!
Bagama’t nakalulungkot ay mukhang isinantabi na lamang ni Ka Romy ang pangit na karanasan niya sa Comelec.
Ngunit kung totoo ang usap-usapan, dapat sigurong ‘habulin’ ang mga taong nasa likod ng naganap na panloloko sa ating butihing kaibigan.
Ang balitang narinig natin, binalak ni Ka Romy na magtatag ng party-list para sa sectoral representative ng mga kawani ng transport concessionaire sa NAIA para naman magkaroon ng boses sa Kongreso.
Ngunit habang ipinoproseso ng mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Ka Romy ang mga kakailanganing rekisitos para kilalanin ng Comelec ang kanilang party-list ay may nagpanggap umanong mga tauhan ng Comelec commissioner na nakahandang tumulong… (if the price is right!?)
Sa madaling salita, nakipag-usap at nagkaroon ng ‘deal’ at nagkaroon umano ng ‘abutan’ ng pesos.
Hindi lang matiyak ng ating ‘Bulabog boys’ kung ilang milyon…basta milyon umano ang natangay ng mga mandurugas ng Komolek ‘este’ Comelec.
Ngayon nagkabukuhan na ang Comelec commissioner na binabanggit ng mga mandurugas na nakipag-usap sa hanay ni Ka Romy ay tahasang idini-deny ang mga taong tumangay ng pera.
Ang nangyari kay Ka Romy, ay muntik na rin mangyari sa inyong lingkod noong binalak rin natin na mag-party-list. Ngunit maagap nga lamang tayo kung kaya’t ‘di nila tayo nabiktima.
Ibinulgar natin ang masamang kalakaran na ‘yan noong si Sixtong ‘este’ Sixto Brilliantes ang Comelec chairman pero wala rin nangyari sa ating reklamo.
Pero sa kabila ng panlolokong naranasan, tiwala pa rin ang magkakasama na matuloy ang pagtatatag ng party-list ni Ka Romy para matulungan ang maliliit na manggagawa ng transport concessionaire sa airport.
Mabuhay kayo, Ka Romy!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com