Desmayado ang mga botanteng Pinoy na nasa ibang bansa
Jerry Yap
April 22, 2016
Bulabugin
MULI pang lumiit ang turnout ng overseas absentee voters ngayong taon.
Mismong si Foreign Undersecretary Rafael Seguis ay nagtaka sa liit ng turnout.
Kaya pinagpapaliwanag niya ang mga ambassador at consul sa “decimal and even zero voter turnout.”
Ibig sabihin po nito halos kulang pa sa 10 porsiyento ng 1.3 milyon rehistradong botante para sa overseas absentee voting ang bumoto.
Ang bumoto kasi ay umabot lamang sa 87,601.
Napakaliit na bilang nga naman.
Ang laki ng ginastos ng gobyerno para hikayatin ang mga Filipino overseas contract workers na bumoto at makilahok sa eleksiyon, pero ‘yan lang ang turnouts?!
Wattafak!?
E di lalo na ‘yung mga kandidato na pumunta pa sa iba’t ibang bansa para mangampanya…
Ano ang ibig sabihin ng ganitong resulta ng absentee voting?
Ibig sabihin, mas marami ang hindi interesado na bumoto ngayong eleksiyon na ito?
Ang rason?
Wala na silang mapagpilian!?
Wattafak agen!?
Masisisi pa ba natin ang sambayanang Pinoy kung mas marami ang ayaw bumoto?!
Aba ‘e kahit sino naman daw ang manalo sa mga kandidatong presidente na ‘yan wala rin magbabago sa buhay ng mga Filipino…text ‘yan sa atin ng isang OFW.
Buhay lang nila ang nagbabago, hindi ang buhay ng dukhang Pinoy.
Sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), huwag po kayong magtaka kung bakit lampas 90 porsiyento ang bilang ng mga OFW na ayaw lumahok sa eleksiyon.
Simple lang po ang rason.
‘Yung pananatili at pagpapakahirap nila sa ibang bansa na hindi kapiling ang kanilang pamilya na naririto sa bansa, isang malaking kuwestiyon na ‘yun ‘di ba?
Bakit kailangan sa ibang bansa pa sila magtrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya nila?
Mas masakit pa ‘yung buong pamilyang Pinoy ang nasa ibang bansa at kahit kailan ay hindi pumasok sa kukote nila na bumalik sa Filipinas kasi alam nila hindi nila mararanasan rito ang kaginhawaan at seguridad na nararanasan nila roon sa ibang bansa.
Ngayon, sino pa ang boboto kung ang gobyernong nanghihikayat sa kanila ay walang kakayahang pauwiin ang mga overseas Filipino workers (OFW) para mamuhay rito nang maayos, payapa at maginhawa?!
Pakisagot na nga po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com