GAYA nang dati, maagang dumating si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa nakatakdang registration at naghintay sa kuwartong para sa kanya sa nakatakbang debate ng mga kandidato para mayor na ginanap nitong nakaraang weekend sa Dela Salle University – College of St. Benilde sa Malate, Maynila.
Muling binalewala at hindi sinipot ng pinatalsik na pangulo at sentensiyado sa kasong Plunder na si Mayor Joseph Estrada ang nasabing debate.
Nagpahayag ng pagkadesmaya ang mga nag-organisa dahil sa hindi pagdalo ni Estrada dahil siya umano ay busy.
Nang nagsimula na ang debate, kinamayan ni Lim ang mga dumalo na sina Rep. Amado Bagatsing at Dodos dela Cruz, faculty member sa nasabing unibersidad.
Sinabi ni Bagatsing sa mga dumalo, na sila na lang ni Lim at Dela Cruz ang pagpilian dahil sila lamang ang nagpunta, sabay banggit na wala umanong maipipresinta si Estrada na nagawa kaya wala siya roon.
Ayon kay Lim, kasinungalingan ang mga sinasabi ni Estrada na bangkarote ang Maynila nang siya ay umupo sa City Hall.
Bitbit ang kopya ng isang certification na pirmado ni city treasurer Liberty Toledo, ipinakita ni Lim na ang pondong naiwan sa kanyang pag-alis sa City Hall ay mahigit P1.5 billion.
Si Toledo ang treasurer nang umupo si Estrada at ang naturang certification ay inilabas Hulyo 4, 2013 nang makaalis na si Lim sa City Hall.
“I have the records to disprove lies being peddled that I left the city bankrupt. Somebody must be lying. Alam n’yo naman siguro kung ano ang kapatid ng sinungaling,” ani Lim.
Kinuwestiyon din ni Lim kung paanong naibigay ng lungsod ang suweldo ng may 12,000 city hall employees mula Hunyo hanggang Disyembre 2013 kung totoong iniwan niyang bangkarote ang lungsod, at kung paano umano naibigay ng administrasyon ni Lim ang mga libreng serbisyo sa mga ospital para sa mahihirap, na inalis naman sa pag-upo ni Estrada.
Bago ito, hindi rin dumalo si Estrada sa ginanap na mayoral debate sa UP-Manila. Sa lagdaan ng peace covenant na inorganisa ng Comelec, nag-iisang dumalo si Lim.