Iaangat ba ni Leni Robredo ang mga nasa ‘laylayan’ sa kama niyang P.7-M?
Jerry Yap
April 18, 2016
Opinion
MINSANG naipit ang inyong lingkod sa traffic, palabas sa Roxas Boulevard, nakita natin ang mga taong nakahiga sa kalye.
Kanya-kanyang puwesto kung saan sila komportable, iba-ibang porma, iba-ibang hitsura.
Pero ang higit na kapansin-pansin, ‘yung babaeng nakaupo at nakasandal sa plant box, may kargang sanggol na nakayupyop sa kanyang dibdib.
Ang mga taong ‘yun, doon magpapalipas ng gabi na ang tanging sapin ay sako, karton o diyaryo.
Naitanong tuloy natin, kasama kaya sila sa mga nasa ‘laylayan’ na gustong iangat ni vice presidential bet Leni Robredo?!
Yes, si Madam Leni Robredo na napabalitang bumili ng kama sa London Bed Company na nagkakahalaga ng mahigit sa P700,000 o kulang isang milyong piso?!
Ano kaya ang pakiramdam ng isang humihiga at natutulog nang mahimbing sa isang Frank Hudson Safari Bedframe?
Ito po ‘yung kamang sinabing gawa sa Mahogany at binalot sa ‘fake’ o imitation daw na balat ng buwaya.
Gawa ‘yan ng London Bed Company. Isang kompanya na gumagawa ng mga produktong may kaugnayan sa pagtulog.
Ang isang unan sa kanila ay nagkakahalaga ngP5,000 o P10,000 o higit pa.
Ganyan po ang mga aksesoryang sinasabing binili ni Leni Robredo sa Shangri-La Mall sa Mandaluyong City.
Kaya nga ang tanong natin, iaangat ba ni Leni Robredo ang mga nasa ‘laylayan’ sa kama niyang P.7-milyon ang halaga?
Sonabagan!
Ang sarap humiga riyan!
Idineklara o idedeklara kaya ni Madam Leni sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN) na siya ay may P.7-M Frank Hudson Safari bed?
Ilang sako o karton kaya ang mabibili ng P.7-M para may maisapin ang mga natutulog sa kalye o bangketa?!
Kung ang informal settlers ay nangangarap makakuha ng P60,000 ‘socialized barong-barong’ sa mga programa ng gobyerno, ilan kaya ang magiging katumbas ng P.7-M kama ni Leni Robredo?!
‘Yan na nga ba ang sinasabi natin, sa ‘likod’ ng mga pag-ikot sa back entrance ng gusali ng Batasan Complex, sa pag-aabang ng pampasaherong bus (kahit photo op lang) at sa kaibuturan ng islogan na ‘iaangat ang nasa laylayan’ ay mayroong katotohanang pinagtatakpan.
Sa mga susunod na araw, unti-unti nating iaangat ang ‘laylayan’ para makita ng sambayanan ang katotohanan!
INC dadalhin kaya si Laylay este Madam Leila de Lima?
MARAMI ang nagtatanong kung dadalhin daw kaya ng Iglesia Ni Cristo (INC) si Madam Laylay este Leila De Lima?!
Para raw kasing kung makangisi ngayon si Madame Leila ay punong-punong ng kompiyansa. Mayroon na kayang nag-endoso sa kanya?!
At isa sa pinangangambahan ng mga hindi nakakamit ng katarungan ay kung makauupo si De Lima sa Senado.
Tiwala raw masyado si Madam Leila na malaki ang naitulong niya kung kaya nasampahan ng kaso ni Menorca ang INC.
Senyales kaya ‘yan ng kompiyansa ni Laylay este Laila De Lima? E kung totoo ‘yan, ang laking suwerte naman ng kanyang driver/bodyguard.
Makararating na rin kaya siya sa Senado?!
‘Yan po ang aabangan natin.
Maraming salamat sa mga naghihikayat na tumakbo ang inyong lingkod bilang presidente ng NPC
GUSTO po nating magpasalamat sa mga patuloy na nanghihikayat sa inyong lingkod na muling tumakbong presidente ng National Press Club (NPC).
Isang karangalan ang inyong panghihikayat.
Kahit nga ‘yung mga nasa kabilang bakod ay patuloy tayong hinihikayat na tumakbo.
Pero, pasensiya na po kayo, ayaw nang pumatol ng inyong lingkod sa mga taong hindi tumitigil sa pag-iisip ng maiitim na balak.
In short, mga taong may maiitim na budhi. Naipakita na po natin ang ating pamumuno at kung paano natin isinasakonkreto ang pamumuno.
Hindi po ‘praise releases’ o propaganda lamang. Naipakita at naipadama natin sa mga miyembro ang malasakit sa paglalaan ng mga programa at mga proyektong para sa kanila.
Mas gusto nating humaba ang ating buhay kaysa makipagbagbag sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay.
Marami naman po tayong naalalayan lalo na roon sa mga nagkakaroon ng asuntong libel. Nakapaglaan din ng health insurance para sa news reporters and photojournalists na alam nating kailangan na kailangan nila.
Anyway, naniniwala ang inyong lingkod na hindi kailangan maging opisyal para makatulong sa ating mga katoto.
Hindi kailangan may posisyon para maisulong ang mga adbokasiyang ating nasimulan.
Ang ating pagdamay sa ating mga katototo ay laging naririyan at hindi magbabago kailanman.
Inuulit po ng inyong lingkod, maramang salamat.
God bless NPC!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com