Kahit mga lola inaresto sa Kidapawan
Robert B. Roque, Jr.
April 12, 2016
Opinion
MATAPOS ang malupit na masaker na ipinalasap ng puwersa ng gobyerno sa mga magsasaka sa Kidapawan City ay nasundan ito ng kabi-kabilang pag-aresto.
At ang nakalulungkot, pati ang matatandang babae, lalaki at mga buntis ay kabilang sa mga pinagdadampot at ikinulong.
Sa katunayan, ang dalawang lola na sina Valentina, 78, at Jovita, 65, ay naulat na nana-nawagan ng tulong pinansiyal para sila ay makapagpiyansa.
Mismong si Human Rights Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana ang nagbigay ng kompirmasyon sa pagdinig sa Senado na pati ang mga senior citizen at buntis ay ikinulong.
Kuwestiyonable pa nga raw kung ang mga nadetine ay sangkot sa naganap kaguluhan pero ikinulong pa rin.
Gano’n naman pala, hindi ba pagpapakita ng sobrang kalupitan ng gobyerno ang pagpapakulong sa mga taong matatanda na at buntis nang hindi natitiyak kung kasama sila sa protesta?
Umapela si Gana sa pulisya na muling im-bestigahan ang mga kaso upang matiyak kung may ebidensiya nga laban sa kanila.
Sa halip na tulungan ang mga magsasaka na nagprotesta dulot ng labis na gutom ay karahasan ang sinagot ng gobyerno para sila ay maitaboy. Tatlo ang nasawi at marami ang sugatan bilang resulta.
Hindi sana ito mauuwi sa karahasan kung nagpatupad lamang ang mga pulis ng maximum tolerance. Dapat sana’y pinakinggan na lamang ng mga taong gobyerno ang mga hinaing ng mga magsasaka at gumawa ng paraan upang sila ay matulungan, imbes paulanan sila ng bala.
Bigas at pagkain lang naman ang hinihingi ng mga magsasaka na nabiktima ng El Ñiño. Hindi sila nanggugulo o nananakit ng tao. Kailangan ba silang gamitan ng kamay na bakal?
Hindi pa nakontento ang mga pulis at kinasuhan ang kanilang mga nahuli. Matinding batik ang idudulot nito sa pamahalaang Aquino.
Maging ang kandidatura ni Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas ay maaaring maapektohan.
Sa ngayon nga ay may mga bumabatikos na dahil naging malamig daw ang reaksyon ni Ro-xas sa naganap. Hindi niya kinondena ang karahasan na ginawa ng mga pulis. Sa kanyang pahayag ay lumalabas na nagkaroon ng labanan samantalang masaker ang naganap.
Ano ang mangyayari sa ating bansa kung ang gobyerno ay pinatatakbo ng mga opisyal na walang damdamin sa hinaing ng mahihirap at walang pagpapahalaga sa kanilang buhay?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.