Pabaya ‘este’ Abaya hindi na dapat maulit sa gobyerno!
Jerry Yap
April 6, 2016
Bulabugin
ANG gobyerno ni PNoy ay isang nakadadalang gobyerno.
Noong bago siya mahalal, marami ang umasa na si PNoy ay mag-iiwan ng mahalagang legacy lalo na noong ideklara niya na walang ‘WANGWANG’ at ‘KOTONG’ sa DAANG MATUWID.
Siyempre, sa simula ay maraming naniwala at umasa.
Pero por diyos por santo santito!
Saan naman kayo nakakita ng pamahalaan na walang plaka ang mga sasakyan, walang sticker at higit sa lahat nagda-drive ang mga driver nang walang lisensiya?!
Dahil resibo lang ang dala…
‘Yung PVC nga na lisensiya kayang-kayang gawin sa C.M. Recto Ave., ‘yun pa kayang resibo lang?!
At walang magawa ang sambayanan.
Bumabaha ang iba’t ibang uri ng sasakyan sa bansa pero kapag inire-histro sa Land Transportation Office (LTO), walang kahit ano?!
Ang palpak na serbisyo ng LRT-MRT na hindi lang once, twice kundi multi-multi ang kapalpakan.
‘Yan ba ang maipagmamalaking mass transportation (railway system) sa ating bansa?
Walang maayos na escalator, elevator at kubeta!?
Ilang beses na bang nanganib ang buhay ng mga pasahero sa pagbiyahe sa pamamagitan ng MRT?!
Not once, not twice…but multi-incidents!
At saan naman kayo nakakita ng BROWNOUT sa isang international airport, isang vital installation sa isang bansa pero walang pinanagot na opisyal?!
Ilan kompanya ng eroplano ang nalugi sa brownout na ‘yan?!
Ilan pasahero ang naprehuwisyo sa brownout sa T3?!
Iyan ba ang gobyerno ni PNoy!?
Ang sabi ng palasyo, pinagsabihan na ni Pnoy si Abaya at Honrado na huwag na raw maulit ang ganitong insidente.
Parang awa na po, kung sino man ang mauupo sa susunod na administrasyon, huwag na po natin ULITIN si DoTC Secretary Jun Pabaya ‘este’ Abaya.
Certified genius pero walang kakayahan kung paano ilalapat sa lupa ang kanyang mga kaalaman…
Certified mathematician pero hindi makabuo ng tamang formula kung paano lulutasin ang problema ng trapiko at kung paano pabibilisin ang napakakupad na internet sa bansa.
Certified military science expert ‘ala Heneral Antonio Luna pero hindi kayang labanan at ares-tohin ang mga lumilikha ng problema sa railway system ng bansa.
Tsk tsk tsk…poor genius!
Ang daming palpak sa gobyernong PNoy pero lutang na lutang ang kapalpakan sa ahensiyang pinamumunuan ni Abaya.
Pakiusap lang po, huwag nating ‘pabayaan’ na muli pang makapuwesto si Abaya o ang kagaya nito.
Huwag po tayong maging instrumento ng malalang pagpapabaya ng isang government official na inakala nating magserserbisyo nang tama dahil sa kanyang dunong.
Hindi na dapat ulitin si Abaya sa gobyerno!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com