Karahasan sagot ng daang matuwid sa Kidapawan farmers
Jerry Yap
April 5, 2016
Bulabugin
HINDI natin alam kung may ‘sumpa’ ba talaga ang mga Cojuangco-Aquino o baka naman hindi pa nauubos ang mga praning na pulis at militar tuwing makakakita ng dugyot at nanlilimahid na magsasaka dahil sa kahirapan.
Ayon sa mga nakasaksi sa ginawang dispersal ng mga pulis sa Kidapawan (tinatawag ng mga magsasaka ngayon na Kidapawan massacre), parang nabuhay sa kanilang alaala ang Mendiola at Hacienda Luisita massacre.
Kung tutuusin, hindi naman siguro magkakasakitan at lalong hindi magugutom o mauuhaw ang mga magsasaka kung ginagawa ng gobyernong Aquino ang kanilang tungkulin sa mamamayan.
Ang mga magsasaka ay humihingi lang ng pagkain at tubig, ganoon lang kasimple.
Mantakin ninyong ilang araw na walang kinakain at kapos din sa inumin ang mga magsasakang nag-rally sa highway, e salubungin ng karahasan sa pamamagitan ng batuta, canon hose at ratatat ng baril?!
Tao po… ba kayo!?
Nang mapawi ang karahasan, nag-report ang PNP, 90 pulis daw ang sugatan sa kanila?!
Maximum tolerance ba ang tawag diyan?!
Kung inaakala po natin na tapos na ang karahasan sa Kidapawan, nagkakamali po kayo.
Sa kasalukuyan, hindi kukulangin sa 5,000 magsasaka ang nagkakampo sa compound ng United Methodist Church (GBCS-TUMC).
Ang nasabing lugar lang ang itinuturing nila ngayong ligtas dahil ang tingin sa kanila ng lokal na pamahalaan ay mga ‘alien’ na makapipinsala sa sangkatauhan.
Sila ‘yung mga magsasakang nag-alisan sa kanilang bukid dahil matindi ang tagtuyot.
Hindi sila makapagtanim at wala rin tubig na inumin.
Pero imbes kalingain ng lokal na pamahalaan ay itinaboy sa pamamagitan ng karahasan.
Kung hindi pa kay Bishop Ciriaco Francisco ng Davao Episcopal Area, sa kanyang staff, at United Methodists in the Philippines, lalo na sa Mindanao, walang masusulingan ang mga magsasaka sa Kidapawan City.
Sa huling bilang, tatlo ang napaslang, 87 ang missing, at 111 ang nasaktan sa hanay ng magsasaka.
Pero hindi rin po sila malayang nakakikilos dahil kinokordonan sila ng mga tauhan ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army at ng Philippine National Police – Region 12.
Sa kasalukuyan, 77 magsasaka, 35 babae at 42 lalaki ang ikinulong nang mahigit sa 48 oras sa Kidapawan Gym. Ganoon din ang 280 magsasaka sa Makilala gym ay hindi pinaraan, walang pagkain, walang inuming tubig sa ilalim ng napakainit na araw. Daig pa nila ang nagpenitensiya nitong nakaraang Semana Santa.
Nakiusap ang mga magsasaka na kukunin lang nila ang kanilang bigas sa UMC, pero nagbanta ang mga armadong awtoridad na babarilin sila kapag nagpumilit.
Sa Abril 8, ilulunsad ng mga magsasaka ang “Black Friday” bilang protesta sa karahasang kanilang naranasan.
Nananawagan ang Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) sa mga magsasaka sa buong bansa na maglunsad ng sympathy barricades at pambansang protesta upang kondenahin ang masaker sa Kidapawan na iniutos ng gobyerno.
Suporatahan po natin sila.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com