BIR delayed na delayed ang aksiyon vs money launderers at tax evaders
Jerry Yap
April 2, 2016
Bulabugin
KULTURANG ‘reactive.’
Mukhang ‘yan talaga ang lumulupig sa kalayaan at pag-unlad nating mga Pinoy.
Isang eksampol na rito ang kontrobersiyal na pagkakabisto sa namamayagpag na casino money laundering sa ating bansa.
Hindi kukulangin sa 10 taon na nating tinatawag ang atensiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa namamayagpag na money laundering at tax evasion sa ating bansa na dumaraan sa iba’t ibang Casino lalo na ‘yung mga nasa ilalim ng junket operations.
Ang mga junket operations po sa mga Casino ang nagpapapasok ng foreign players ‘kuno.’
Kadalasan, pumapasok sila nang walang cash.
Maglalaro lang sila sa Casino with guarantee, kapag nanalo sila, puwede nilang ipa-cash ang ‘chips’ or ipasok sa mga banko nila o i-remit sa black market ang panalo nila.
Kaya hindi nakapagtataka na puwedeng mangyari ang naganap na pagnanakaw sa $81-million mula sa Bangladesh Bank.
Baka nga hindi lang Bangladesh Bank, baka meron pang ibang nabiktima na hindi lang namalayan.
Huwag sanang hayaan ng BIR ang pagsudsod sa mga taong sangkot sa money laundering. Huwag sana silang makontento na komo nagsoli na ng milyon-milyon dolyares ay hindi na nila itutuloy ang imbestigasyon.
Gaya ng junket operator na si Kim Wong. Dapat sudsurin ng BIR ang kanyang mga junket operations diyan sa Solaire at sa Midas.
Nakapagtataka ang bigla nilang pagkakamal ng salapi na hindi naman feasible ang mga negosyo gaya ng restaurant business, pero parang ang bilis-bilis nilang yumaman.
Alam ba ninyo, na ‘yang mga junket operator kapag nagpasok ng players dito sa bansa, exempted na sa pag-scrutiny ng AMLC, exempted pa sa BIR?!
Daig pa nila ang naka-jackpot! Lalo na kung nanalo pa sila sa Casino.
Mayroon din mga kaso na hindi lang foreigner ang pinaglalaro sa mga Casino, mayroon din silang local players from Binondo na pinagmumukha nilang foreigner para makaligtas nga sa AMLC at BIR.
Kung tutuusin napakadali naman hulihin ng mga ‘yan, alamin lang ng BIR kung ano ang company name at mga tao, mabibistong mga peke ‘yang mga ‘yan.
Ganoon lang kasimple po, Madam Kim Henares.
‘Yan naman ‘e kung seryoso kayo na habulin ang mga Chinese, Korean at local Chinese junket operators sa Resorts World, Solaire casino, City of Dreams, Midas casino?
Seryoso ba naman kayo Madam Kim?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com