May matinding sakit-kalimot ba si Rep. Amado Bagatsing?
Jerry Yap
April 1, 2016
Opinion
BISYO na ng inyong lingkod na magbasa ng diyaryo tuwing umaga.
Kaya hindi maikakaila sa inyong lingkod ang pahayag ni dating congressman Amado Bagatsing na siya naman daw ang subuan ‘este’ subukan ng mga Manileño bilang mayor dahil ang dala daw niya ay serbisyo at hindi prehuwisyo.
Tutal naman daw ay nasubukan na ang dalawang katunggali niyang Mayor, kaya siya naman daw ang subukan.
Wee!? Hindi nga?!
Para namang may ‘limot’ o senior moments na si congressman?!
Nalimutan na kaya ni congressman Bagatsing na noong bago ang 2013 elections, kaming dalawa ay nakapagpanabayang magkape at nagkahuntahan.
At hindi pa natin nalilimutan ang sinabi niya na kapag tumakbo daw ang sentensiyadong plunderer, si Erap ang susuportahan niya at hindi si Mayor Alfredo Lim.
Magkaibigan daw kasi sila.
May isang salita naman pala noon si Bahatsing ‘este’ Bagatsing, dahil totoo sa kanyang sinabi, totoo namang si Mayor Erap ang todong sinuportahan niya noong 2013 election.
Sa totoo lang, sa ika-limang Distrito ni Bagatsing nakuha ni Erap ang lamang niyang 30,000 boto kay Mayor Fred Lim.
Malaking lamang kaysa ibang mga distrito sa Maynila.
Pati nga ‘yung informal settlers sa Onyx at Dagohoy na halos isang taon nang ini-relocate sa Laguna ay nakaboto pa sa Maynila sa pangakong ibabalik sila.
Pero, matatapos na ang termino ni Erap, nakabalik ba sila?!
Ngayon, gusto ba ninyong malaman kung sino ang puno’t dulo ng perhuwisyong dinaranas ngayon ng mga Manileño dahil nawala lahat ang libreng serbisyo noong panahon ni Mayor Fred Lim?
Aba, e ‘di walang dili’t iba kundi si congressman Amado Bagatsing dahil sinuportahan niya ang isang sentensiyadong mandarambong na dumayo pa sa Maynila para lamang huwag mawala sa posisyon!
Nagmamalaking tunay na taga-San Juan pero ninais makapuwesto sa Maynila para lamang tanggalin ang lahat ng benepisyong pangkalusugan at pang-edukasyon na ipinagkakaloob nang libre ni Mayor Fred Lim.
Sa nalalapit na eleksiyon mga suki naming Manileño, huwag padalos-dalos at huwag na muling magpabola at magpauto— piliin at iboto ang subok na at tunay na nagmamalasakit sa mga Manileño — Mayor Alfredo “Fred” Lim!
Sa turismo may trabaho raw sa serbisyo dapat kasado raw
‘YAN po ang slogan ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) chief operating officer (COO) Mark Lapid sa kanyang kampanya na tumatakbong senador ngayon.
In short, papalit po sa kanyang erpat na si Lito Lapid na ilang panahong nagbutas daw ng silya sa Senado.
Pasensiya na, pero ‘yan po ang hindi kayang mapaniwalaan ng inyong lingkod dahil ilang taon nanungkulang bilang general manager sa Philippine Tourism Authority (PTA) hanggang maging COO ng TIEZA si Mark Lapid pero wala tayong narinig na makabuluhang ambag niya sa turismo.
Sino ba ang mga nabigyan ninyo ng trabaho TIEZA COO Mark Lapid? Ilan ba sila?
E mukhang from nowhere ikaw lang yata ang biglang nagkatrabaho at biglang kumita nang malaki diyan sa PTA lalo na noong maging TIEZA ‘yan?
Hindi nga nakapag-uulat ang TIEZA kung ano-ano nang beach sa buong bansa ang sinakop na ng mga ‘beach grabber’ diyan sa Boracay, Bicol (Cagbalite); Real, Quezon; sa Zambales lalo sa bayan ng San Felipe, Anawangin, Botolan at iba pa.
Huwag na tayong lumayo, sa Puerto Galera at Boracay, paano nagkaroon ng mga resort diyan na ang nagmamay-ari ay mga dayuhan?!
Sino ang promotor ng malalaking sunog sa Boracay?!
Nagawa ba ng TIEZA ang trabaho nila para matukoy kung bakit unti-unti ay nawala at nasalalula ang pristine beaches sa bansa?!
‘E baka kapag naging senador ‘yan, gawin pa niyang legal ang pagbebenta ng mga beach sa buong bansa hanggang mawalan na ng pangingisdaan ang mga mangingisda?
Kaya mga suki, mag-isip-isip po kayo bago bumoto ng inyong Senador, ‘yun lang ho!
Politika sa MPD uusok na rin?!
KASABAY ng unang araw ng kampanya sa Maynila ay posible rin umusok ang politika sa hanay ng mg pulis sa Manila Police District (MPD).
Alam naman ng lahat na iisa lang naman ang amo na sinasamba ng mga bossing sa MPD.
Kahit itanong pa daw ninyo sa command group ng MPD?!
LIamado nga raw si Yorme ERAP dahil pati ang programa ng pulisya ay magagamit niyang pandagdag hatak para makakuha ng botante sa lungsod!?
Gaya ng ugnayan at ang napakaraming hao shiao ‘este’ hatak na LAMBAT-SIBAT volunteers na kaya nilang utuin para magamit daw sa eleksiyon.
Tiyak daw na lulutang na naman ang isang ‘makapili’ na opisyal ng delihensiya group para ilaglag ang mga kabaro niya na didikit sa mga sortie ni Mayor Lim.
Gawain raw talaga ng isang Kupitan ‘yan, ang mamolitika at manira ng kapwa pulis para makaporma siya at makuha ang inaasam na puwesto sa MPD.
Paano na kung masilat ang mga bossing mo, Mr. Kupitan!?
Ilan na bang kabaro mo ang inilaglag, sinulot at giniba mo, Kupitan?
Ang dapat nga raw na award na ibinigay sa ‘yo ay: ‘political cop of the year!’
By the way, nag-uumpisa na raw mag-iyakan ang 1602 operators dahil sa dagdag tara para makaipon ng pabaon sakaling ma-olat ang amo nila.
Hikhikhik…
Balik illegal terminal na naman sa Lawton!
KA JERRY, sa proclamation ni Erap malinis ang Lawton. Walang illegal terminal. Pero nga-`yon balik na naman sila. Anyare!?
+639152229 – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com