Muslim–Kristiyano nagsanib kay Lim
Johnny Balani
March 31, 2016
Opinion
HINDI mahulugang karayom mga ‘igan ang mga taong nagpakita nang buong suporta sa orihinal na “Ama ng Libreng Serbisyo” at ang tunay na Lingkod-Bayang Inyong Maaasahan (LIM), na si dating alkalde ng lungsod ng Maynila Alfredo S. Lim, sa unang araw ng kanyang kampanya – pag-arangkada kamakailan lang.
Ngunit sa mga sumunod pang mga araw ng pangangampanya, sus ginoo, kagulat–gulat at hindi inaasahan ang pagdagsa ng mga taong sumasalubong kay Ka Fred Lim sa alin mang sulok ng Kamaynilaan. Aba’y ibang klase talaga ang “Mama” parang presidente ang tatakbuhin.
Ang matindi rito mga ‘igan, nakipagsanib puwersa na rin ang mga Muslim sa mga Kristiyano para kay Ka Fred Lim.
Wow, ang galing!
Ito na ang sinasabi nilang, tamang panahon…sa pagbabalik ng “Ama ng Libreng Serbisyo!”
Sa Baseco Compound mga ‘igan, mainit ding sinalubong ng mga Muslim at Kristiyano na parang artista si “Dirty Harry.” Isinisigaw ng marami, “Ibalik ang Ama ng Libreng Serbisyo! Patalsikin si Asyong Salonga!”
Matagal–tagal din nagtiis, lalong-lalo na ang mga pobreng Manilenyo, sa pahirap na ginagawa ni Mayor “Erap” Estrada. Mantakin ninyong dati-rati (administrasyon ni Lim) pumunta lang sa alin mang ospital sa Maynila’y libre ang pakonsulta at may libreng gamot pang maiuuwi.
“Wow! Sarap talaga noong panahon ni Lim.” ‘Yan ang malimit sambitin ngayon ng mga Manilenyo. Tunay na malaki ang pagkakaiba! Ang salitang Libre sa may bayad. He he he…
E saan ka pa? E di sa libreng serbisyo partikular sa tulong-medikal.
Sa kasalukuyan, totoong pursigido ang sambayanang Manilenyo na mailuklok muli si Ka Fred Lim upang muling manumbalik ang kaginhawaang minsan na nilang nakamit at ipinaramdam ni Lim sa kanila.
Ayon sa aking Pipit, natataranta na si Erap sa kanyang mga kalaban. Aba’y dapat lang siguro! Sapagkat, nakatatakot ang dami ng taong naglalabasan sa kani-kanilang mga lungga maipakita lamang ang kanilang suporta kay Ka Fred Lim.
Dagdag ng aking Pipit, sa haba ng panunungkulan ni Erap ay wala umanong programang nagawa.
Meron naman ‘igan! He he he…
Hindi ba programa n’ya ‘yung pagbebenta umano ng mga pag-aari ng Lungsod ng Maynila? Maging ang pagtataas ng buwis sa Maynila ay naging programa rin ni Erap. Dagdag pa ang koleksiyon sa vendors at pagpapatalsik sa kanila sa palengke tungo sa kawalan ng kabuhayan at makakain ng kanilang Pamilya!
Tama na! Tuldukan na ang paghihirap ng sambayanang Manilenyo. Ang buong suportang ipinakikita ng mga tagasunod ni Ka Fred Lim ay nagpapahiwatig ng isang matagumpay na pagbabalik ng “Ama ng Libreng Serbisyo” sa Maynila!