Task Force West Philippine Sea bakit ngayon lang?
Robert B. Roque, Jr.
March 29, 2016
Opinion
Sa pamamagitan ng isang Memorandum Circular ay bumuo si President Noynoy Aquino ng National Task Force para sa West Philippine Sea.
Kabilang sa task force ang mga pwersa ng AFP, PNP, Maritime group, National Security Adviser, DFA, DND, DILG, DOJ, DENR, DOE, DTI, DOTC, DA, DOF, NEDA, PCG, BFAR at National Coast Watch System.
Ang hangarin ng naturang task force ay maipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea nang naaayon sa ating Konstitusyon.
Pero sadyang hindi matitiyak na mabuti man ang iyong hangarin ay makukuha mo ang pagsang-ayon ng lahat ng tao.
May mga pumupuna kung bakit ngayon lang binuo ng Pangulo ang task force na ito kung kailan maituturing na malala na ang problema sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng agawan sa teritoryo.
Ilegal na pananakop ang ginagawa ng China sa ating bansa sa pamamagitan ng isinasagawa nilang konstruksyon sa mga teritoryo na pilit nilang inagaw sa West Philippine Sea.
Sa pag-angkin nila sa ating mga teritoryo ay tinanggalan din nila ng karapatan ang ating mga mangisngisda na malayang maghanapbuhay sa sarili nating karagatan. Ipinagtatabuyan sila na parang mga hayup.
Pero kung talagang naniniwala sila na sila nga ang nagmamay-ari ng teritoryo natin sa loob ng West Philippine Sea, bakit ngayon lang sila nagpapakita ng pwersa? Bakit hindi nila ito nagawa sa panahon na pinamumunuan tayo ng mga pangulo na nauna kay Aquino? O baka naman labis lang silang nababaitan kay PNoy kaya inaabuso nila ito at binabastos.
Sa kabila ng mga paulit-ulit na pambu-bully ng China sa Pilipinas ay minabuti ng Pangulo na maghain ng reklamo sa permanent court of arbitration ng UN sa The Hague.
Pero ni minsan ay hindi nagpakabayolente si PNoy sa pagtugon sa problemang dulot ng China. Pinili niyang dumaan sa legal na proseso at hindi nagpakabarbaro sa pagharap sa problema.
Sa palagay ng iba ay maayos lang na dumaan sa tamang proseso pero hindi naman daw sana tayo naging malambot upang hindi rin tayo inaabuso ng ating kapwa.
Masyado na tayong binaboy ng China. Sa katunayan, kahit na pumabor sa Pilipinas ang desisyon na ilalabas ng permanent court of arbitration sa mga susunod na buwan ay hindi tayo nakatitiyak na susundin ito ng China.
Ganyan kalaki ang problema na dulot sa atin ng China.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.