Tagumpay ni Poe sa SC tagumpay ng bayan — Chiz
Hataw News Team
March 9, 2016
News
“MASAYA ako para sa kanya, lalo para sa ating mga kababayan.”
Ito ang reaksiyon ng independent vice presidential candidate na si Sen. Chiz Escudero kahapon, Martes matapos ideklara ng Korte Suprema na kuwalipikadong tumakbo ang kanyang katambal na si Sen. Grace Poe bilang pangulo.
“Ikinatutuwa ko ito para sa ating mga kababayan dahil ibinalik muli sa kanila ang kapangyarihang pumili sa halalan sa darating na Mayo – ang karapatan na nais ipagkait sa kanila ng maraming politiko,” ayon kay Escudero.
“Hindi lang si Sen. Grace ang makikinabang sa desisyong ito, kundi ang milyon-milyong mga botante na binigyan ng karapatang magdesisyon kung sino ang mamumuno sa kanila sa susunod na anim na taon. Kanila ang karapatang ito, kaya nagpapasalamat ako sa SC dahil hindi nila ipinagkait ang karapatang ito.”
Natuwa rin si Escudero para sa kanyang katambal na “walang-tigil na pinuputakti” ng pag-atake mula nang magdeklara noong Setyembre ng planong pagtakbo bilang pangulo sa darating na halalan.
“Masaya ako para kay Sen. Grace dahil ngayon, kahit paano, nabawasan na ng isa ang mga walang basehang alegasyon laban sa kanya,” ayon kay Escudero.
“Noon pa siya target at hanggang ngayon, siya pa rin ang tampulan ng malisyosong atake; nagsimula sa kanyang patriotismo hanggang pinepersonal na siya at ang kanyang pagkatao; ang nakalulungkot lang dito, maging ang kanyang pamilya ay hindi nila pinalampas,” daing ng senador mula sa Bicol.
“Ang desisyon ng SC ay patunay lamang na ang mga alegasyong ito, gaya ng mga inimbento nilang kasinungalingan laban sa kanya, ay walang basehan.”
Ngayong nalampasan na niya ang mga isyung legal, umaasa umano si Escudero nang mas marumi at mas personal na atake dahil ang kanyang mga katunggali ay “mukhang nahihirapang kombinsihin ang mga botante na sila ay sinsero, tapat at may kakayahang maglingkod.”
Ayon kay Escudero, “nauubusan na sila ng opsiyon at wala nang magagawa kundi ang hilahin pababa si Sen. Grace sa paraan ng inimbentong mga isyu na nanggaling sa kung saan-saan.”
“Kung mayroon mang napatunayan si Sen. Grace sa nakalipas na ilang buwan, ito ang kanyang pagiging palaban gaya ng kanyang ama. Kapag umakyat siya sa ring laban sa kahit na kanino sa kanyang mga katunggali ngayon, sa kanya ako pupusta; siya lang ang black belter e,” pabiro pang tinuran ni Escudero.
“Walang halong biro, mapagtatagumpayan ni Poe ang mga atakeng ito dahil paulit-ulit na niyang napapatunayan na nasa kanyang panig ang katotohanan.”