Thursday , December 26 2024

Tatlong malalaking palengke sa Caloocan City perhuwisyong totoo! (Source ng air pollution at matinding traffic)

00 Bulabugin jerry yap jsyHINDI naman siguro overacting kung magreklamo man ang mga residente ng Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City at City of San Jose del Monte (CSJDM) sa Bulacan dahil sa burara at delingkuwenteng operasyon ng tatlong palengke sa boundaries ng mga lungsod na nabanggit.

Una ang Sangandaan Market na matatagpuan sa Barangay Uno na nasa boundary ng Caloocan at Malabon. Nasa kanto ito ng Samson Road at M.H. del Pilar St. Ang dalawang kalsadang nabanggit ay parehong major thoroughfare. Ang Samson Road ay patungo sa Letre, Longos/Tonsuya, Tañong at Estrella hanggang sa kabayanan ng Malabon.

Habang ang M.H del Pilar St.,  ay patungong  Tugatog, Catmon, Acacia, Tinajeros, Maysilo, Panghulo deretsong Pasolo, Arkong Bato at Polo sa Valenzuela hanggang Panghulo, Obando.

Nagma-mapping po tayo rito para mapatunayan namin sa inyo na kung hindi aayusin ng Caloocan city local government ang operasyon ng palengke sa Sangandaan, ‘yang mga nabanggit nating lugar ay mapeperhuwisyo nang todo.

Sa mga lugar na ‘yan matatagpuan ang mga pangunahing establisyemento sa Malabon gaya ng mga commercial areas, eskuwelahan, simbahan, pabrika at iba’t ibang opisina ng gobyerno.

At sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lahat ng commuters at mga motorista na dumaraan diyan ay parang nagpepenetensiya dahil sa traffic, grabeng bantot at panganib na ma-snatch, ma-holdap at madukutan habang nakatengga sa napakahabang oras sa loob ng sasakyan.

Kaya kung ikaw ay galing sa Malabon at Caloocan patungong EDSA sa Quezon City, mauulit ang grabeng perhuwisyo pagtapat sa Bonifacio Market (nasa kalyeng Bustamante) dahil gaya sa Sangandaan Market, maaamoy na naman ang umaalingasaw na basura at mapeperhuwisyo ng suson-suson at buhol-buhol na traffic ng mga sasakyan.

Ibig sabihin, sasakit na ang ulo ninyo sa masangsang na amoy, matetengga pa kayo sa traffic.

Hindi lang po ang mga taga-Caloocan District II ang nakararanas n’yan.

Sa Distrcit I (North Caloocan) grabeng perhuwisyo rin ang dinaranas ng mga nanggagaling sa Tala, Malaria at Sampaguita sa Caloocan at sa mga taga-City of San Jose del Monte, Bulacan dahil naman sa dating Talipapa sa Soldiers Hill along Quirino Highway na ngayon ay parang Divisoria na rin sa bantot at imbudo ng mga sasakyan.

Mantakin ninyong ang mga dumaraan diyan ay patungong Lagro, Fairview (Commonwealth Ave.), hanggang sa EDSA patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Kaya kung magiging maayos ang operasyon ng palengke sa Sangandaan, sa Bonifacio Market at sa Soldiers Hill ‘e ‘di mami-minimize ang traffic.

At kung magkakaroon naman nang maayos na disposal ng mga basura ‘e ‘di mababawasan din ang air pollution?!

‘E ano ba ang ginagawa ng Caloocan city hall officials at bakit parang deadma lang sa kanila ang mga problemang gaya nito na malaking bilang ng mamamayan ang napeperhuwisyo?!

‘Yung basura at traffic nga raw sa Caloocan ay hindi maubos-ubos dahil sa maling operasyon ng palengke…

Pero ‘yung pasensiya ng mga residente sa Caloocan at sa mga katabing lungsod, ubos na ubos na!

At dahil wala na silang MALAPITAN, malamang PALITAN na rin nila ang kanilang iboboto!

MPD DD Gen. Rolly Nana naiskupan na naman kayo sa illegal drugs! (ANYAREEE!?)

NGANGA na naman ang Manila Police Dis-trcit (MPD) sa pangunguna ni District Director, C/Supt. Rolando Nana matapos silang maiskupan ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Anti-Illegal Drugs Special Operation (AIDSOTG) at District Special Operation Unit (DSOU).

Ang QCPD kasi ang nakatimbog sa tatlong Chinese nationals kasama ang dalawang Pinoy na magsasalya sana ng isang kilong shabu pero nang inspeksiyonin ang kanilang mga kotse, umabot sa anim na kilo ang nakompiskang shabu na nakaparada sa gawi ng Harbor View sa likod ng Quirino Grandstand (Luneta).

Ano ba ang nangyayari sa inyo, Gen. Rolly Nana!? Mukhang tutulog-tulog talaga ang intelihensiya ‘este intelligence group ninyo at hindi ninyo alam na ang Maynila ay isa nang bagsakan ng kilo-kilong shabu!

Mayroo ngang ni-raid kamakailan ang peborit MPD unit ni Gen. Nana diyan sa Muslim community sa Quiapo pero ang hinakot ay pawang video karera imbes ilegal na droga?!

Tanong nga ng mga taga-MPD HQ: “Baka oplan pakilala o oplan-patimbre?”

Galaw-galaw Gen. Nana!

Grace Poe kuminang sa debate sa CDO

LALONG tumaas ang kompiyansa sa sarili ni Team Galing at Puso standard bearer Sen. Grace Poe matapos umani ng maraming papuri kaugnay ng kanyang naging performance sa unang leg ng presidential debate sa Cagayan de Oro City noong Linggo.

Sinabi ni Poe na kanyang naging motibas-yon ang pagnanais na maabot ang mas mara-ming Pinoy at maipahayag sa kanila ang kanyang mga plataporma.

Ang karamihan ng mga natanggap na papuri ng senadora ay mula mismo sa netizens, political analysts, at journalists.

Ayon kay political analyst at De La Salle University Professor Richard Heydarian, malakas ang dating ni Poe. Iginigiit ang mga pani-nindigan, at alam ang mga sinasabi tungkol sa mga isyu.

Isa sa mga lumabas na usapin ang kawawang kalagayan ng mga magsasaka.

Ani Poe, dapat na tumanggap ng subsidiya ang mga magsasaka, bigyan sila ng crop insu-rance, at magtayo ng agro-industrial zones para sa kanila.

Sa isyu ng kagutuman, naniniwala siya na bukod sa mga panlipunang serbisyong dapat ipatupad para sa mahihirap, dapat din magkaroon sa mga paaralan ng pagbibigay ng libreng pananghalian sa mga batang mag-aaral.

Naobserbahan tuloy ng mamamahayag na si Manny Mogato na dumating na handa sa debate ang pambato ng Team Galing at Puso.

 Maging ang isa pang journalist na si Teddy Locsin, Jr., na kilalang matipid magbigay ng papuri sa kanino man ay humanga sa naging performance sa debate ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo.

 “Walang duda, si Grace Poe ang nanalo!” ang anunsiyo ni Locsin sa kanyang Twitter account kasabay ng pagsasabi na malaki ang kalamangan ni Poe sa mga kalaban.

 Pinuri ni Locsin ang pagiging magaling ng baguhang mambabatas sa public speaking at pagiging elegante sa entablado.

 Ibinigay ng Rappler – isang malaking social news network – kay Sen. Grace ang panalo sa debate. Nakuha ni Poe ang Rounds 2 and 3 base sa mga pamantayan ng pagiging totoo, pangkalahatang dating, at kaalaman sa buhay.

 Ayon sa social news network, alam na alam ni Poe ang mga usapin tungkol sa kahirapan at pag-unlad na sinang-ayunan ng mga netizen na babad online at tumutok sa debate.

 Sa bandang huli, sinabi ni Poe na nagbunga ang debate ng isang mayamang karanasan na nagbigay-daan para lalo niyang mapulsuhan ang kagustuhan ng mga mamamayan na kanyang pinagsisilbihan.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *