Presidential Debate walang kuwenta
Johnny Balani
February 25, 2016
Opinion
KAMAKAILAN lang mga ‘igan ay una nang umarangkada sa Capitol University sa Cagayan De Oro City, ang Comelec Presidential Debate na dinaluhan ng limang (5) kumakandidato para presidente ng bansa, na sina Vice President Jejomar Binay, Davao city mayor Rudy Duterte, Senator Grace Poe, former DILG Sec. Mar Roxas at Senator Miriam Defensor-Santiago.
Umani ng maraming batikos ang nasabing Debate. Mantakin n’yong imbes talakayin ang kanilang saloobin hinggil sa mga nangyayaring problema sa loob at labas ng bansa’y nagpayabangan at nagpatutsadahan sa isa’t isa ang mga damuho.
Ito ba ang klase ng Pangulong iluluklok natin sa tamang panahon?
Sus ginoo!
Sa simula pa lang ay ibinida na ni Binay kung paano n’ya pinayaman ang Lungsod ng Makati! Kasabay kaya nito ang pagyaman ng kanyang Angkan? He he he…
‘Yan kasi ang isyung ibinabato sa kanyang pamilya magpahanggang ngayon, na maaaring ikasira ng kanyang pagkatao kung sakali lang naman.
Si Duterte, aba’y kriminalidad sa bansa’y susugpuin…sa loob lamang ng tatlo (3) hanggang anim (6) na buwan! Ha? Imposible ‘yan ‘igan! Mahabang proseso ang kinakailangan upang makamit ang totoong peace and order. Hindi uubra ang asal hayop na pamamaraan sa pagsugpo ng masasamang elemento ng lipunan.
Anong proseso ang ibig ng mama? ‘Yung mala-Jose Rizal na babarilin na lamang nang walang kalaban-laban doon sa Luneta? O ‘yung tipong pagbabarilin mo na lang agad ang mga tiwali o’ mga salot nang basta-basta na lang na parang hayop?
Sa totoo lang…ang pulisya nati’y maaaring pumatay, ngunit dapat ito’y sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa kasamaan. Huwag natin ilagay sa ating mga kamay ang batas. Hayaan nating ang batas ang mangibabaw sa lahat ng usaping legal.
Ibinalik naman kay Roxas ang isyung illegal na droga. ‘Ika nga n’ya…marami s’yang alam hinggil dito. Pero bakit hindi n’ya mahuli-huli? Hindi ba’t siya ang hepe ng DILG, na may hawak ng pulisya sa bansa? Maging ang mga alipores niya ay wala rin magawa! Magkano ba ang dahilan? He he he … Walang naging konkretong plano para masugpo ang illegal na droga sa nasabing debate.
Anak ng teteng, nasa 1.7 milyong Pinoy na ang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Sa totoo lang mga ‘igan, hindi lamang mga kabataan ang sugapa rito, maging ang mga nasa hustong gulang ay nagpapakasasa rin sa droga.
Simple naman ang idiniga ni Santiago mga ‘igan! Hindi natin nagiging problema ang pinagkukunang-yaman ng bansa. Bagkus, ang nagiging malaking isyu rito ang pangungurakot sa kabang-yaman ng bansa ng mga dorobo, na kanyang susugpuin, oras na s’ya ang mailuklok sa pedestal.
Si Poe, na isa rin guro, ay ipinadama ang tunay na pagmamalasakit sa kanyang kapwa. Inilatag ang tunay na mga suliranin at kung paano ito malulutas. Nais n’ya ibalik ang biyayang natatanggap ng taumbayan noong administrasyong Marcos.
Sa kabuuan, sadyang walang kuwenta ang nasabing debate. Hindi nailahad nang konkreto sa taumbayan ang tunay nilang pakay sa pagpapaunlad ng ating bansa, at kung paano maiaahon sa kahirapan ang maliliit nating mga mamamayan at higit sa lahat ang pagbibigay ng importansiya sa mga kabataan partikular sa usapin ng illegal drugs.
Sa susunod na debate, nawa’y maging malawak ang perspektibo ng mga kandidato sa tunay nilang pakay sa pag-upo bilang pangulo ng bansa.