Grace Poe kuminang sa debate sa CDO
Jerry Yap
February 25, 2016
Bulabugin
LALONG tumaas ang kompiyansa sa sarili ni Team Galing at Puso standard bearer Sen. Grace Poe matapos umani ng maraming papuri kaugnay ng kanyang naging performance sa unang leg ng presidential debate sa Cagayan de Oro City noong Linggo.
Sinabi ni Poe na kanyang naging motibas-yon ang pagnanais na maabot ang mas mara-ming Pinoy at maipahayag sa kanila ang kanyang mga plataporma.
Ang karamihan ng mga natanggap na papuri ng senadora ay mula mismo sa netizens, political analysts, at journalists.
Ayon kay political analyst at De La Salle University Professor Richard Heydarian, malakas ang dating ni Poe. Iginigiit ang mga pani-nindigan, at alam ang mga sinasabi tungkol sa mga isyu.
Isa sa mga lumabas na usapin ang kawawang kalagayan ng mga magsasaka.
Ani Poe, dapat na tumanggap ng subsidiya ang mga magsasaka, bigyan sila ng crop insu-rance, at magtayo ng agro-industrial zones para sa kanila.
Sa isyu ng kagutuman, naniniwala siya na bukod sa mga panlipunang serbisyong dapat ipatupad para sa mahihirap, dapat din magkaroon sa mga paaralan ng pagbibigay ng libreng pananghalian sa mga batang mag-aaral.
Naobserbahan tuloy ng mamamahayag na si Manny Mogato na dumating na handa sa debate ang pambato ng Team Galing at Puso.
Maging ang isa pang journalist na si Teddy Locsin, Jr., na kilalang matipid magbigay ng papuri sa kanino man ay humanga sa naging performance sa debate ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo.
“Walang duda, si Grace Poe ang nanalo!” ang anunsiyo ni Locsin sa kanyang Twitter account kasabay ng pagsasabi na malaki ang kalamangan ni Poe sa mga kalaban.
Pinuri ni Locsin ang pagiging magaling ng baguhang mambabatas sa public speaking at pagiging elegante sa entablado.
Ibinigay ng Rappler – isang malaking social news network – kay Sen. Grace ang panalo sa debate. Nakuha ni Poe ang Rounds 2 and 3 base sa mga pamantayan ng pagiging totoo, pangkalahatang dating, at kaalaman sa buhay.
Ayon sa social news network, alam na alam ni Poe ang mga usapin tungkol sa kahirapan at pag-unlad na sinang-ayunan ng mga netizen na babad online at tumutok sa debate.
Sa bandang huli, sinabi ni Poe na nagbunga ang debate ng isang mayamang karanasan na nagbigay-daan para lalo niyang mapulsuhan ang kagustuhan ng mga mamamayan na kanyang pinagsisilbihan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com