Nasaan ang tunay na diwa ng EDSA People Power celebration?
Jerry Yap
February 24, 2016
Bulabugin
SABI nga nasa puso ang tagumpay.
Kung wala sa puso ang tagumpay hindi ito mararamdaman at lahat ng pagkakamali ay isisisi sa pinakahuling pangyayari na itinuturong dahilan ng debastasyon.
Ganito natin nakikita ang nakatakdang pagdiriwang ng EDSA people power sa ika-30 taon.
Nalulungkot tayo na hindi ito mabibigyan ng ‘justification’ at hindi maitatampok ang ‘tagumpay’ ng mamamayan, kung mayroon man, dahil ang pagdiriwang ay kakaladkarin sa propaganda ng oligarkiya, na natatakot mapatalsik sa poder kahit sa paraan ng ‘demokratikong’ eleksiyon kuno.
At ‘yan ang problema sa ika-30 taon ng EDSA people power, nasabay ito sa eleksiyon.
Kaya lagi’t laging mayroong dahilan ang oligarkiya para buhayin ang ‘bangungot’ ng Martial Law at ipantakip sa ginawa nilang higit na debastasyon matapos pagtulungang patalsikin ang tinatawag nilang diktadurang Marcos.
Ang gusto nating sabihin dito, kung talagang si dating Ferdinand Marcos ang may kasalanan nang lahat-lahat ng nararanasan natin ngayon, ‘e ano pala ang ginawa ng mga namuno sa loob ng 30 taon?!
Bakit lalong tumindi ang military mafia o ‘yung tinatawag na militarization sa lahat ng government agencies?!
Ano ang ginawa ng mga inihalal na pinuno ng ‘pinagsasamantalahang’ mamamayan sa loob ng 30 taon at hinayaan nilang tamasahin ng mga pinunong militar ang pamumuno sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan?!
‘Yan ba ang ‘premyo’ ng mga pinunong militar mula sa oligarkiya at mga panginoong maylupa kapalit ng pagpapatalsik nila sa Marcos administration?!
Habang sinasabi ng oligarkiya, komprador burgesya at mga panginoong maylupa na ang ‘PEOPLE POWER’ ang nagpatalsik sa mga Marcos ay pinaghahati-hatian naman nila ang kabang-yaman ng bansa.
Kayamanang likas at kayamanang pinagpaguran at pinagpawisan ng maliliit na mamamayan.
At dahil ‘GUILTY’ ang oligarkiya, komprador burgesya at mga panginoong maylupa, sa panghaharbat sa kayamanan ng bansa, na ngayon ay namamayagpag sa tulong ng mga huwad na makabayan at mga dilawang sosyalista kuno, nilalamon sila ng paranoia.
Ngayon sa kanilang pagdiriwang sa ika-30 anibersaryo ng EDSA, tumitindi ang paranoia at wala silang gustong sisihin, pagkatapos ng 30 taon na pamumuno nila kundi ang tinatawag nilang diktadurang Marcos.
Para bang gusto nilang palabasin na tumigil ang inog ng mundo sa Filipinas mula noong 1986 hanggang 2016 — nawala at ngayon ay nagtatangka silang burahin ang mga nakapanghihilakbot na pangyayari sa pagitan ng mga taong ito — gaya ng Mendiola massacre, Lupao massacre, sunod-sunod na salvaging ng labor leaders, Maguindanao massacre, pamamayagpag ng shabu at iba pang ilegal na droga, at iba’t ibang uri ng ilegal na aktibidad na kinatatampukan ng economic sabotage sa kamay mismo ng mga nakaupong pinuno ng pamahalaan.
Pagbagsak ng kalidad ng mga batayang serbisyo gaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay, trabaho…
Ang pangarap na disenteng trabaho ay winasak ng kontraktuwalisasyon — naglaho ang industrial workers at pinalitan ng endo (end of contract) workers.
Ang pabahay para sa masa ay nilamon ng malalaking real estate companies. At ang lupang sakahan na dating sinasaka ng magsasaka ay kinamkam din ng real estate companies.
Ang serbisyong pangkalusugan ay pinabagsak ang kalidad sa mga pampublikong ospital at ngayon ay ipinasasagip sa pribadong sektor.
Sa larangan ng edukasyon? Tinitipid ang mga pampublikong paaralan sa elementary at high school hanggang state universities habang ipinamimigay ang pondo sa mga pribadong paaralan na karamihan ay pag-aari ng malalaking kongregasyong pangrelihiyon na lampas-langit ang tuition fee.
Ang tubig, koryente at kalsada, ibinenta sa malalaking negosyante at komprador burgesya. Hindi na nakapagtataka na dumating ang panahon na pati sariwang hangin ay bilhin na natin.
Sige, itampok ninyo sa pagdiriwang ng EDSA people power ang ‘experiential museum’ para sa millennial generation.
Pero hindi tanga ang millennial generation na pagkatapos nilang panoorin o pasukin ang ‘experiential museum’ ay hindi nila tatanungin, “what happened next?”
And that is the innermost question: “What happened next after EDSA people power?”
Kaya ba itong sagutin ng People Power Commission?!
Iisa lang ang masasabi natin…the rest is history.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com