Ping Lacson isusulong ang bitay laban sa drug lords (Pagbalik sa Senado)
Jerry Yap
February 20, 2016
Bulabugin
NGAYONG nagbabalik sa Senado si Senator Panfilo “Ping” Lacson, maigting ang kanyang adbokasiya na isulong ang panukalang batas para ibalik ang parusang kamatayan laban sa mga drug lord — dayuhan man ‘yan o lokal.
Basta’t nahulihan ng kahi’t isang kilong shabu, dapat bitayin agad!
‘Yan dapat ang isulong ni Senator Ping.
Isa rin po sa mga adbokasiya ng inyong lingkod ang pagtatayo ng isang komunidad na payapa at itinatakwil o sinusupil ang ilegal na droga.
Pinakamalupit na kaaway po ng isang lipunan ang ilegal na droga. Walang sinisino ang demonyong salot na droga. Bata o matanda, mayaman o mahirap, edukado, propesyonal o walang pinag-aralan, may trabaho o wala, lahat sila ay kayang sirain ng droga.
Kaya nga bilib tayo sa mga bansang nagpapatupad ng bitay laban sa nagtutulak ng droga.
Naniniwala ang inyong lingkod na panahon na para sundan natin ang batas ng ibang bansa nang sa gayon ay mabawasan kung hindi man tuluyang maigupo ang mga ilegalistang drug lord.
Nakita n’yo naman dito sa atin, wala ngang bitay dahil tayo raw ay isang bansang marami ang Kristiyano at Katoliko, kaya ang mga nahuhuling drug lord ang pinakamataas na sentensiya ay habambuhay na kulong.
Pero pagdating doon sa kulungan lalo na sa Bilibid, aba nakapagbubuhay-hari pa ang mga demonyo!
Higit sa lahat tuloy-tuloy ang kanilang operasyon at raket sa pagtutulak ng droga.
Buti na lang at seryoso si Bureau of Correction (BuCor) Director Ricardo Ranier Cruz III sa kanyang aksiyon na suyurin ang buong BiIibid para linisin.
Kaya kung magtatagumpay ulit si Senator Ping, pag-upong pag-upo niya sa Hulyo para sa 17th Congress, tiyak uumpisahan na niyang isulong ang ‘BITAY’ laban sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Sulong, Senator Ping!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com