BI-Chiz sa 2016 sticker nagkalat sa EDSA! (May bago ba!?)
Jerry Yap
February 15, 2016
Bulabugin
ISANG ‘mayamang’ karanasan ang kasabihan sa police beat na — laging bumabalik ang suspek sa pinangyarihan ng krimen.
Kaya naman hindi na tayo nagtataka nang marinig natin ang kumakalat na kuwento na mukhang mayroon na namang nilulutong ‘kataksilan’ ang kampo ni Chiz.
‘Yan ay kung totoong sa kanila nanggaling ang sticker na Bi-Chiz na kumakalat ngayon sa kahabaan ng EDSA.
Itinanggi ng United Nationalist Alliance (UNA) na may kinalaman sila sa nasabing sticker (Bi-Chiz) habang ang kampo naman nina Sen. Grace Poe ay sinabing ‘black propaganda’ lamang iyon.
Oh c’mon!?
Anong sabi naman ni Chiz?!
Deadma lang dahil noong una pa man ay sinasabi na niyang hindi niya iniwan si Mar Roxas noong 2010 elections dahil wala naman silang pinagsamahan.
Weee?!
‘E sino ba ang maniniwala ngayon kay Chiz?!
Markado at hindi na malilimutan ang NOY-BI 2010. Kasaysayan na ‘yan sa politika…
At gaya sa isang kriminal o isang krimen, ang Oplan Bi-Chiz ay tila inuulit na Oplan-Noy-Bi.
O sa madaling salita, nagbabalik ang suspek sa ‘crime scene’ para gumawa muli ng krimen.
“Ang VP ko ay may B!”
Ganyan katampalasang inihayag pa nga raw ni Chiz noong 2010 elections ang kanyang pagkiling kay VP Jejomar Binay.
Vice president pa ang kinakarera noon ni Binay, ‘e ‘di mas lalo na ngayong presidente ang nilulunggati niyang sungkitin!
Ngayon pa ba siya iiwan ni Chiz?!
At kung babalikan ang mga nakaraang pangyayari mula nang maghain ng kanyang kandidatura si Sen. Grace Poe, sa pagharap sa kanyang disqualification cases at sa iba pang krisis na nararanasan ng Senadora, nakikita ba ng madla ang tunay na pagmamalasakit ni Chiz?
Ewan lang natin kung gumagaan ang mga dalahin sa dibdib ng kampo ni Grace kapag patula-tulang nag-i-emote at nagsasalita si Chiz?!
Si Chiz ay maihahalintulad sa isang ‘notoryus na kriminal’ na hindi natatakot bumalik kung saan niya ginawa ang krimen para ito ay muli’t muling ulitin.
Anybody but Chiz!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com