Grace Poe humahataw, Jojo Binay dumadausdos
Jerry Yap
February 11, 2016
Bulabugin
SA dalawang magkasunod na survey (Pulse Asia at Magdalo) nangunguna si Senadora Grace Poe pangalawa lamang si Vice President Jejomar Binay para sa presidential race.
Sabi nga, nakabawi na si Grace.
Isang magandang senyales sa kanyang karera lalo sa pagsisimula ng kampanya.
Kay Grace literal na nangyari ‘yung pagbuhos ng simpatiya.
Mahirap talaging apihin o pagtulungan ang isang babae. Ayaw ng kulturang Pinoy ‘yan.
Bukod sa pagiging relihiyoso, ang mga Pinoy ay likas na mahilig kumampi sa kung sino ang naaapi. Kung sino ang underdog.
Dahil sa tila sabwatan ng ilang grupo na naghahangad ma-disqualified si Sen. Grace, lalong nagkaisa ang taong bayan para siya ay kilingan.
Kaya sa kanilang kick-off rally, dinumog sila ng kanyang supporters sa Plaza Miranda.
Si VP Binay naman pinili ang Mandaluyong City na maging lunsaran ng kanyang kandidatura.
Kung tutuusin, mas matindi ang ‘pang-aaping’ ginawa kay Binay. Para siyang si dating Sen. Manny Villar na malayo pa ang halalan ay inupakan na sa isyu ng korupsiyon.
Ilang taon nang ibinabaon ang kanyang pamilya sa isyung nagtatamasa sila at yumaman sa mga kickback at patong sa iba’t ibang proyektong impraestruktura ng local government.
Pero dahil lalaki, hirap na hirap makahamig ng simpatiya si VP Binay.
‘Yan po ang kultura nating mga Filipino.
Kaya hindi na nakapagtataka na sa dalawang survey ay nangunguna si Sen. Grace.
Isa din siguro sa dahilan ‘yan kung bakit tila ‘lumamig’ ang Supreme Court sa isyu ng disqualification laban kay Sen. Grace.
Biglang kumupad ang Korte Suprema at tila, sabi nga ‘e nawalan ng ‘sense of urgency.’
Mukhang ayaw din ng SC na maging instrumento sila ng kung saka-sakali ay ‘historical distortion.’
Mas hahayaan siguro ng SC na magdesisyon ang mamamayan…
Sabi nga ‘e, vox populi vox dei.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com