Duterte-Bagatsing ‘Allout War’ sa Maynila (Kontra droga at kriminalidad)
Hataw News Team
February 11, 2016
News
MATAGUMPAY ang isinagawang proclamation rally ng grupo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa kanilang kandidato na si Mayor Rodrigo Duterte, bilang Pangulo ng bansa, kabilang si Manila 5th District Cong. Amado Bagatsing bilang Mayor ng Maynila, na ginanap sa Tondo, Maynila nitong Martes ng gabi.
Tinalakay ng bawat isa sa mga mamamayan ng Maynila ang kanilang mga plataporma kung papalaring manalo bilang presidente at alkalde ng lungsod. Nagkaisa ang puwersa ni Duterte at Bagatsing sa mga programang pang-edukasyon, pangkabuhayan, at pangkalusugan na ngayon ay ipinatutupad na ng kongresista sa pamamagitan ng kanyang Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran Foundation (KABAKA).
Bukod rito, ang pagpapaigting ng kanilang programa kontra sa lumalalang droga at kriminalidad partikular sa lungsod ng Maynila.
Ayon kina Duterte at Bagatsing, magkatuwang nilang isusulong na maging libre ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.
“Hindi natin tutularan ang nakalipas at ang kasalukuyang administrasyon sa Maynila na lahat pinahirapan. Katulad sa pagsingil nang mataas na halaga sa vendors para sa puwesto o huhulihin ang mga padyak boys na kakarampot lang ang kinikita tapos sisingilin nang malaking multa. Ang mga dating libreng ospital ginawang may bayad at maging ang mga pampublikong palengke naging pribado na rin,” pahayag ni Bagatsing.
Samantala, sinabi ni Duterte na kung mananalo siyang Pangulo ng bansa gagamit siya ng ‘kamay na bakal’ laban sa kung sino man ang magkakamali at lalabag sa batas. Mas lalo’t higit sa Maynila, katuwang si Bagatsing “kahit sino ang naupong Mayor sa Maynila, hindi nakayang sugpuin ang kriminalidad lalo na ang droga na sanhi ng iba’t ibang krimen.”
Idinagdag ni Duterte na umano’y, 92% ng mga barangay sa Metro Manila, apektado ng droga dahil nakapasok na ang Chinese Triad na nagmamay-ari ng malalaking shabu lab sa bansa at protektado ng ilang politiko kaya hindi masugpo-sugpo.
Kung sakaling maupo sa Malacañang, magdedeklara umano siya ng national security threat sa droga at kriminalidad. Gagamitin niya ang pulisya at militar, na bibigyan niya ng insurance, doble ang sahod pati anak iko-cover ang edukasyon, “ang trabaho lang, ubusin lahat ng drug lord at drug pusher. Kung lalaban, shoot to kill ang order. Lahat naaayon sa batas…it will be bloody,” pahayag ni Duterte.
Naniniwala si Duterte, sa pinagsanib nilang puwersa ni Bagatsing malilinis nila ang Maynila. Mauubos ang drug lords at drug operators kasunod ang pagsugpo ng iba pang krimen.