8-PT health agenda inilunsad ng ang NARS P-L
Hataw News Team
February 11, 2016
News
PORMAL na inilunsad ni Congresswoman Leah S. Paquiz ng Ang NARS Party-list (ANPL) ang 8-point health agenda para sa bayan sa idinaos na ANPL national campaign kick-off sa U.P. Bahay ng Alumni sa University of the Philippines campus, Quezon City.
Layon ng programa na lutasin ang eksploytasyon sa mga health worker sa bansa, lalo sa mga nurse at barangay health workers. Ang adyenda ay tumutugon sa pagtataguyod ng dignidad ng mga nurse at katulad na manggagawa sa kalusugan, ibalik ang pampublikong serbisyong kalusugan, pangangalaga sa kalikasan, desenteng trabaho at suweldo, mabuting pamamahala, makatarungang pangangalap ng trabaho at pangingibang bayan, kalidad ng edukasyon, at wastong pangangalaga sa matatanda at may kapansanan.
Ginawa ni Paquiz ang anunsiyo matapos ang mahigpit na laban para maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 151, na ngayon ay Substitute Bill 6411 at pinangalanan “An Act Providing for a Comprehensive Nursing Law Towards Quality Health Care System,” na pumalit sa RA 9173, na mas kilala bilang “Philippine Nursing Act of 2002.”
Ang naturang panukalang batas, na naaprubahan na rin sa Bicameral Committee, ay naglalayong isaayos ang lawak ng trabaho ng isang Nurse, palakasin ang kahusayan nito, magbigay nang mas maayos na kapaligiran sa pagtatrabaho at pangangalaga sa propesyong Nurse, ayon kay Paquiz.
Ang matatanda at may kapansanan ay ilan din sa sektor ng lipunan na ang kapakanan ay kinikilala ng ANPL, kasama sa 26 panukalang batas na inihain na ng ANPL sa Kongreso, at isa rito ang HB 5673, An Act Providing Communication and Information Accessibility to Deaf and Hard Hearing for Full Inclusion into the Mainstream of Society.
Isinalang din ang HB 3925, Community Health Workers and Service Reform Act, upang direktang matugunan ang matagal nang suliranin ng mahigit 200,000 kawawang Barangay Health Workers (BHW) sa bansa na binibigyan lamang ng ‘allowance’ mula halagang P1,000 hanggang P6,000. Pakay ng batas na itaas ang working status ng mga BHW sa salary grade 1 na tumatanggap ng buwanang suweldo na mahigit P9,000 kasama ang ibang benepisyo tulad ng Pag-IBIG at Philhealth.
Isang kontrobersiyal na batas din ang inihain ng ANPL, ang HB 2740 o “Pictured-Based Health Warning Law” na mas malalaking larawan ng mga grabeng epekto ng paninigarilyo ang naka-imprenta sa mga pakete ng sigarilyo. Base sa talaan ng ANPL, may 87,600 Filipino ang namamatay kada taon sanhi ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo, katumbas ng 10 namamatay kada oras.
Tumitindig sa abdokasya at platapormang “Tamang Trabaho – Tamang Suweldo – Tamang Solusyon,” ang NARS ay kompiyansa na mawawakasan na ang kontraktuwalisasyon sa trabaho, eksploytasyon ng mga lokal na manggagawa at nasa ibang bansa, mababang serbisyong pangkalusugan, at kamangmangan, sa pamamagitan ng pagsusulong at pagpasa ng mga batas na tutugon sa mga suliraning ito.