Mag-ina patay ama sugatan sa 3 karpintero
Hataw News Team
February 9, 2016
News
PATAY ang mag-ina habang sugatan ang padre de pamilya makaraang hatawin ng tubo ng mga construction worker sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Dalawa sa tatlong suspek ang agad naaresto sa follow-up operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat ni Supt. Robert Sales, hepe ng QCPD Batasan Police Station 6, kinilala ang mga napatay na sina Princesita Villanueva, 66, retiradong empleyado ng QC Hall, at anak niyang si Christian, 36-anyos.
Ang mag-ina ay namatay sanhi ng mga sugat sa ulo at katawan dahil sa hataw ng tubo.
Nasugatan sa ulo ang mister ni Princesita na si Ruben, 68, empleyado rin ng QC Hall, nakatalaga sa Accounting Department. Ang mga biktima ay pawang residente sa 67 1st St., Bitoon Circle, Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.
Agad naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang dalawa sa tatlong karpentero na sina Edilberto Escandor, 27; at Bernabe Escario, 49, kapwa nakatira sa Zone 8, Sitio Pagkakaisa, Brgy. Sucat, Muntinlupa City.
Pinaghahanap ang nakatakas na foreman na kinilala lamang sa alyas “Beloy” ng Brgy. Central, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 12:30 a.m. nang maganap ang insidente sa loob ng ipinagagawang bahay ng pamilya Villanueva.
Nauna rito, lasing na dumating ang tatlong suspek sa bahay ng pamilya Villanueva mula sa inoman sa bilyaran, ‘di kalayuan sa kanilang bahay.
Sinita ni Princesita ang tatlo nilang stay-in na karpintero, dahil naka-inom at maiingay na nauwi sa pagtatalo.
Dala ng kalasingan, dumampot ng tubo ang mga suspek at hinataw sa ulo ang ginang. Nang makita ng anak ay tangkang saklolohan ang ina ngunit maging siya ay hinataw rin ng tubo ng mga suspek.
Sa pagkakataong iyon, palabas ng palikuran si Ruben nang makitang hinahataw ng tubo ang mag-ina. Akmang sasaklolo si Ruben ngunit hinataw rin siya ng tubo ngunit nadaplisan lamang.
Pagkaraan ng insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit sa follow-up operation, nadakip ang dalawang suspek.