Nude photo ng rape victim ini-post sa FB, kelot arestado
Hataw News Team
February 5, 2016
News
ARESTADO sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki makaraan i-post sa Facebook ang hubo’t hubad na larawan ng isang babaeng kanyang ginahasa sa isang hotel sa Cubao, Quezon City.
Patong patong na kaso ang nakatakdang isampa laban sa suspek na si Ricardo Arquero Jr., 50, makaraang maaresto sa inilatag na entrapment operation dakong 10 a.m. sa isang kwarto ng sa Hotel 99 sa Cubao, Quezon City kahapon.
Ayon kay Atty. Aristotle Adolfo, supervising agent ng NBI Anti-Organized Crime Division, nagtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si alyas Jane, 30, residente ng Brgy. Bitongol, Norzagaray, Bulacan
Sinabi ng biktima, nakilala niya ang suspek sa Facebook, at hinikayat siyang mag-apply bilang internet staff sa Alaska, U.S.A.
Dahil direct hiring, humingi aniya sa kanya ang suspek ng P49,000 bilang processing fee at nangakong tatanggap siya ng ng $850 o P40,000 sahod kada buwan.
Pagkaraan ay nagkita ang dalawa noong Setyembre 30, 2015 ngunit dinala siya ng suspek sa Hotel 99 upang doon pag-usapan ang kanyang aplikasyon.
Makaraang ibigay ng biktima ang P12,000 bilang paunang bayad sa processing fee ay puwersahan aniya siyang pinainom ng suspek ng tableta na naging dahilan ng kanyang pagkahilo at siya ay ginahasa ng suspek.
Inilihim ng biktima sa kanyang pamilya ang nangyari ngunit noong Oktubre 12 at 14 ay pinuwersa siya ng suspek na magpadala ng tig-6,000 sa Cebuana Lhuiller kundi ay ipo-post ng salarin sa Facebook ang kanilang sex video at larawan niyang hubo’t hubad.
Nang sumunod na buwan ay muling humingi ng pera ang suspek ngunit nang hindi siya nagpadala ng pera ay ini-post ng salarin ang hubo’t hubad niyang larawan sa Facebook at nai-tag pa sa kanyang asawa at mga kamag-anak.
Bunsod nang matinding kahihiyan, ipinasya ng biktima na humingi ng tulong sa NBI at ipinaaresto ang suspek.
Sasampahan ng kasong illegal recruitment, estafa, rape, grave threats, at robbery extortion ang suspek na nakapiit na sa detention cell ng NBI.