MDSW tutukan ng COA
Johnny Balani
February 4, 2016
Opinion
MATAPOS magkawindang–windang ang panunungkulan ni Dr. Honey Lacuna-Pangan bilang Hepe ng Manila Department Social Welfare (MDSW), inakala ng lahat na matutuldukan na ang kawalang sistema sa pagpapatakbo ng nasabing Departamento. Pero, sus, isang malaking pagkakamali pala mga ‘igan! Mantakin n’yong sa dami-dami ng kuwalipikadong tao na dapat iluklok, kapalit ni Madam Honey, aba’y ang kanyang asawang si Dr. Arnold Pangan pa ang napiling iupo bilang Hepe ng MDSW. Ha? Bakit ang asawa? Wala na bang iba? Bakit ayaw ipaubaya sa iba? Anong meron sa MDSW ang hindi mabitaw-bitawan?
Naku ha, atin ngang alamin!
Kamakailan lang mga igan, isang batang paslit ang namatay dahil sa kapabayaan umano sa “Manila Boystown.” Ang matindi rito mga ‘igan, ayon sa ating Pipit, 14 bilanggong kabataan ang nakatakas sa Reception Action Center (RAC) at pito (7) lang ang naibalik sa kulungan! Anak ng teteng! Bakit natatakasan ang mga gunggong? Ano bang klaseng pagbabantay ang ginagawa ninyo? Aba’y huwag tutulog–tulog sa pansitan nang hindi matakasan…he he he…
Dagdag ng aking Pipit, sinundan nang muling tumakas ang sampung (10) kabataang nakakulong din sa RAC! At nang akmang huhulihin na sila ay sinaksak ang ‘mamang guwardya,’ buti na lamang sa braso lang tinamaan. Sus ginoo kayong mga bata kayo! Ano bang klaseng pangangalaga ang ibinibigay sa mga kabataang ‘yan ? At bakit ganyan ang kanilang estilo?
Binigyan-diin ng ating Pipit, mga ‘igan, na kung talagang seryoso ang MDSW na hulihin ang mga batang hamog, aba’y hindi na sila dapat lumayo pa ng lugar na pupuntahan. Sus, d’yan lang sa likod ng Post Office at ng National Press Club, sa riverside, ay isang katerbang batang lansangan ang makikita n’yo.
Pero teka, napakarami nang tanong sa MDSW na dapat tutukan. Sa totoo lang, sa simula palang ay problema na ‘yan, ngunit… magpahanggang ngayon ay problema pa rin.
Sa totoo lang mga ‘igan, ang mga batang-lansangan ay walang kasalanan para hulihin at ikulong sa Boystown. Pero, ganoon pa man, kung nasa Boystown naman sila at mabibigyan ng magandang kinabukasan, malaking tulong ito para sa kanila at sa kani-kanilang Pamilya. Pero, meron bang mahihitang maganda ang mga batang-lansangan sa kamay ni Pangan?
Marami nang reklamo ang naglalabasan tungkol sa pamamahala ng MDSW. Una, bakit maraming tumatakas na mga batang-lansangan?” Ayon sa aking Pipit, walang magandang programa para sa mga kabataang ‘yan! Sa klase na lamang ng pagkaing inihahain sa kanila’y parang hayop ang kakain. Walang maayos na pasilidad para sa kanila, na dapat ay mayroon, sapagkat may usaping Budget para sa kanilang kapakinabangan.
Nasaan na ang “Allocated Budget” para sa pagkakaroon ng magandang sistema at kaayusan ang mga batang-lansangan? Paging “concerned departments and agencies.” Pakitutukan lang po ang isyung ito, nang managot ang dapat managot. Kinakailangan na po ng matinding pagbabago sa matitinding problemang kinakaharap ngayon ng Manila Department Social Welfare (MDSW).
Iisang tabi na muna ang pansariling bulsa ‘este’ interes, bagkus tutukan ang tunay na isyung pinag-uusapan para sa kaayusan ng mga kabataang tunay na pag-asa ng ating Bayan. Ang tanong… “Kumusta na ang mga batang-lansangan sa kamay ni Pangan?”
Abangan…