Blue Meadows Low Cost Housing sa Caloocan City ‘tinatarahan’ Sa Building Permit? (Sa ilalim ng High Density Housing – Social Housing Finance Corp. (HDH-SHFC))
Jerry Yap
February 4, 2016
Bulabugin
HINDI kukulangin sa 500 mga dating residente sa isang creek sa Caloocan City ang nagsikap makakuha ng lupa para pagtayuan ng low-cost housing project sa area din ng nasabing lungsod.
Dahil sa creek sila nakatira, tinawag ng mga residente ang sarili nila bilang Blue Meadows Homeowners Association at inirehistro bilang inkorporasyon alinsunod sa rekesitos na itinatakda para makapag-avail ng housing project ang nasabing mga residente.
Halos tatlong taon din pinagsikapan ng mga residente sa Blue Meadows sa pangunguna ng kanilang presidente na si Darling Arizala na lakarin ang mga kaukulang dokumento upang maipatayo na ang kanilang inaasam-asam na pabahay.
Hindi po ganoon kadali ang paglalakad ng mga requirements para sa isang housing project lalo na kung ito’y isasailalim sa high density housing.
Maraming pruweba ang hahanapin ng mga kinauukulang awtoridad para mapatunayang nararapat ang mga aplikante sa ganoong klase ng housing project. Hindi sapat na ebidensiya ang mga retrato na sila ay dating nakatira sa sapa o sa creek na sinasabi ng gobyerno na dangerous zone. Kailangan ng napakaraming dokumento para patunayan na sila ay residente sa nasabing lugar.
Saksi tayo sa mga pagsisikap at paghihirap na ‘yan ng mga taga-Blue Meadows dahil hindi minsang napakiusapan nila tayo para tulungan silang makiusap sa ilang opisyal at awtoridad.
Pagkatapos ng mga ganyang rekesitos, heto na, sa wakas maitatayo na ang building para sa housing project.
Aba nang lakarin sa City Engineer’s Office para sa building permit, mantakin ninyong hinihingan ang Blue Meadows Homeowners Association ng P2,363,535.20 para payagan silang maitayo ang nasabing proyekto?!
Bukod sa mahigit P2 milyong piso na ‘yan ‘yung hinihinging SOP na mahigit sa kalahating milyon.
Mantakin ninyo, LOW COST HOUSING, hinihingian ng SOP?!
Sonabagan!
Wala nang MALAPITAN ‘yung Blue Meadows homeowners, dahil lahat nang puntahan nila ang tingin sa kanila ay kuwarta!
Sumulat na sa Malacañang ang nasabing homeowners association at umaasa sila na hindi ito mahaharang ng isang Liberal Party official na kilalang kadikit at kasangga ng kasalukuyang administrasyon sa Caloocan City.
Sa ngayon, mapait at masaklap man ang katotohanan, tanggap na ng mga taga-Blue Meadows na sa kanilang kalagayan, wala silang MALAPITAN at lalong walang maaasahan para tuluyang maisakatuparan ang pangarap nilang pabahay.
Anyare?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com