INC kaisa ng ibang relihiyon vs kahirapan
Hataw News Team
February 3, 2016
News
KABALIKAT ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang mga denominasyong panrelihiyong nagsisikap upang labanan ang kahirapan, ang nag-iisang kaaway na dapat sugpuin sa lahat ng sulok at kapuluan sa Filipinas.
Ito ay ayon isang opisyal ng INC nitong Lunes kasabay nang pagsang-ayon sa sinabi ng ilang lider ng Simbahang Katoliko, kabilang na Ang Aprikanong Cardinal na si John Onaiyekan na mariing tinuran sa 51st International Eucharistic Congress (IEC) noong Sabado at Linggo na kasakiman at kawalan ng makatarungang kalagayang panlipunan ang dahilan kung bakit lalong naghihirap at lalong lumala at hindi kaaya-aya ang buhay ng maliliit na Filipino.
Ayon kay INC General Auditor Glicerio B. Santos, Jr., ang kalagayang ito ang mismong dahilan kung bakit nagpasya ang Iglesia na lalo pang paigtingin ang outreach program na karaniwan nilang isinasagawa sa mahihirap na komunidad sa bansa.
Noong Linggo, isinakatuparan ng INC ang pinakamalaking proyektong Lingap Pamamahayag na namahagi ng mga damit, mga kagamitang pangkabuhayan at mga sasakyan sa mga residente ng Dantal at Datal Biao sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato.
“Dalawa ang aming layunin sa mga proyektong Lingap – magbigay ng pag-aarugang espiritwal at mamahagi ng materyal na tulong. Para sa Iglesia, ang pinakaepektibong paraan sa pagsugpo sa kahirapan ay pagsuong sa nasabing laban nang harapan. Kung kasakiman ang isang sanhi ng kahirapan, ang pagiging bukas-palad o kagandahang-loob ang lunas, at ang INC ay pinagpala ng mga kaloob at kahandaang magpaabot ng tulong saan man may nangangailangan,” paliwanag ni Santos.
Ayon sa lider ng INC, madalas silang pinakikiusapang mamahagi ng tulong pangkabuhayan kahit sa mga hindi kasapi ng INC mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Agad umanong tumutugon ang Iglesia sa mga panawagan ng tulong nang hindi isinaalang-alang ang kinabibilangang paniniwala o relihiyon ng nangangailangan nito.
Sa isinagawang Lingap Pamamahayag sa Cotabato, namahagi ang INC ng 8,000 tiglilimang kilong balot-pangkabuhayan, 15,000 piraso ng damit, 10,000 laruang pambata at 20,000 makinang panahi. Kasabay nito ang medical at dental mission para sa mga residente ng dalawang napiling mga komunidad sa Mindanao.
Bukod sa mga nabanggit, namigay din ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng isang backhoe equipment, isang payloader, dalawang Sarao jeep, limang motorsiklo, dalawang traktora, 20 kalabaw at sampung kabayo.
Ang pinakahuling inisyatiba ay kasunod ng tagumpay ng naunang eco-farming site na may lawak na 16 ektarya. Ito ay pakikinabangan ng 8,400 miyembro ng mga katutubong komunidad ng Lumad at B’laan sa nasabing lalawigan.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni Executive Minister Eduardo Manalo, pinaigting nang husto ng INC ang kanilang socio-sibikong proyekto at mga inisyatibang naglalayong sugpuin ang kahirapan sa bansa, na kanilang isinasakatuparan sa pangunguna ng Felix Y. Manalo Foundation.
“Ipagpapatuloy namin ang Lingap sa abot ng aming makakayanan, habang may natitirang komunidad na nangangailangan ng tulong sa pagsasaayos ng kanilang kabuhayan.”