Trial sa Ortega Murder Case ipinatutuloy ng SC vs Reyes Brothers (Ex-SOJ Leila De Lima butata)
Jerry Yap
January 31, 2016
Opinion
MISMONG Supreme Court ay nasilip ang ‘pinasuwabeng’ pakikialam ni dating Justice Secretary Leila De Lima sa Ortega murder case na tila pumapabor sa mga dati niyang kliyente na sina Palawan ex- governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes.
Alam ng publiko na dating abogado si De Lima ni Reyes kaya marami ang nagduda sa kanyang motibo nang magbuo siya ng panibagong investigating body na magsasagawa ng preliminary investigation matapos madakip ang Reyes brothers sa Phuket, Thailand.
Pero hindi nito nalusutan ang matalas na pang-amoy ng Supreme Court.
Inutusan na ng SC ang Palawan Regional Trial Court na ipagpatuloy ang paglilitis laban kina Palawan ex-Gov. Joel Reyes sa 2011 murder ng radio broadcaster at environmentalist na si Gerry Ortega.
Ibig sabihin, tuluyan na ngang ibinasura ng SC ang certiorari petition ni dating Justice Secretary Leila de Lima na kinuwestiyon ang preliminary investigation ng nasabing kaso.
Ayon sa Korte Suprema, nang maglabas ng arrest warrant ang trial court laban sa mga Reyes, nangangahulugan ito na naniniwala silang mayroong probable cause.
Kaya naman ang buong hurisdiksiyon ay isinasalin ng SC sa trial court na dapat na agad umpisahan ang paglilitis.
“Therefore, jurisdiction over the case had transferred to the trial court and the trial should proceed, the high court’s Second Division,” pahayag ni Associate Justice Marvic Leonen sa desisyon na kanyang isinulat.
Kaya naman malaki ang pagpapasalamat ng pamilya Ortega dahil hindi lang sila kundi marami pa rin ang hindi bumibitaw sa kaso ni Doc Ortega.
(Sana naman ay sumunod na rin ang iba pang kaso gaya nito).
Ngayong hindi na SOJ si Madam Leila, lumutang pa kaya siya diyan sa kasong ‘yan?!
Alam nating gagamit pa rin siya ng impluwensiya alang-alang sa kanyang mga kliyente. Naniniwala kasi si Madam Leila sa kasabihang, “It pays to be loyal?”
‘Yun nga lang, hindi siya loyal sa sambayanan na ilang panahon ding nagpasuweldo sa kanya.
Mas loyal siya sa mga Reyes.
Kaya sa mga naniniwala po na dapat makamit ni Doc Gerry Ortega ang katarungan, huwag po natin kalimutan… JUSTICE MUST PREVAIL.
Corrupt politicians ibasura sa halalan
ISA umano ito sa “throwaway culture” na kinokondena ni Pope Francis, pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa ika-5 araw ng 51st International Eucharistic Congress (IEC) sa Cebu. Sinabi ni Cardinal Tagle huwag tangkilikin ang ga corrupt na politicians.
“Politicians, will you throw away people’s taxes for your parties and shopping or guard them as gifts for social services?” aniya.
Diin ni Cardinal Tagle, ang panunuhol at korupsiyon ay hindi katanggap-tanggap sa Kristiyanismo kahit na ito ay tinatanggap na praktis sa komersiyo at sa gobyerno.
Grabe na nga at garapalan na talaga ang korupsiyon sa gobyerno.
Ultimo ang simbahan ay pumapalag at umaangal na sa masamang praktis na ito ng mga politikong inihalal at pinagkatiwalaan ng bayan.
Kahit mga sentensiyadong mandarambong ay nakababalik pa sa puwesto.
Panahon na nga para manindigan laban sa mga corrupt na politiko.
At ang paninindigan na ‘yan ay mairerehistro lang natin kapag hindi natin sila ibinoto.
Immigration One-Stop-Shop Visa processing buwagin na!
HINDI ba’t noong bagong upo si Justice Secretary Ben Caguioa ay tinanggal na ang One-Stop-Shop visa processing sa Bureau of Immigration?
Pero bago umalis si ‘pabebe’ Mison ay nag-create pa ulit ng ‘One-Stop-Shop Action Center’ na under naman sa BI-Alien Registration Division (ARD)?
Obviously, maliwanag na pagsuway ito noon sa Department Order na ipinalabas ni SOJ Caguioa.
Isang I/O Hanzel Santos raw ngayon ang Acting Chief nitong One-Stop-Shop Action Center.
Bakit hindi na lang ito ulit i-abolish at i-de-legate na lang lahat ng functions sa BI-ARD under Chief Danny Almeda para hindi naman masyadong nakalilito sa mga tao lalo na sa mga kliyente ng BI?
Kung wala bang one-stop-shop ay hindi ba ito maipo-process ng ARD?
Nagiging komplikado kasi masyado ang mga gaya ng ganitong klaseng opisina.
Imbes iisa lang ang pupuntahan ng lahat, lilitohin pa sila.
Maliwanag naman na duplication of function lang naman ‘yan ‘di ba?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com