Checkpoint sa Maynila may toll fee!?
Jerry Yap
January 29, 2016
Bulabugin
SINISINGIL daw ng toll fee ng isang opisyal ng Manila Police District (MPD) na team leader ng isang checkpoint ang lahat na masisita niya sa Tondo, Maynila tuwing sasapit ang gabi.
Mismong isang pulis (PO3) na naka-assign sa Manila Police District HQ ang nakatikim ng kawalanghiyaan sa checkpoint dahil parang kriminal siyang nirekisa ang buong katawan kahit ipinakita pa niya ang kanyang PNP ID at badge na nagpapatunay na siya’y isa ring pulis.
Ang sinasabing abusadong opisyal ng MPD ay si P/INSP. LINGIT ng P. ALGUE PCP ng Moriones Police Station 2 ay inireklamo kamakailan sa MPD-GAS.
Ayon kay P/CINSP. Arsenio Riparip, hepe ng Manila Police District – General Assignment Section, dakong 2:00 ng madaling araw nang parahin nila punyente ‘este’ Tinyente Lingit ang biktimang pulis sa Comelec checkpoint sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave., corner P. Algue St., Tondo, Maynila.
Inatasan kasi ni Major Riparip si PO3 Manalang na magsagawa ng follow-up surveillance sa AOR ng Jose Abad Santos Police Station 7 dahil maraming reklamo ng kotong sa checkpoint.
Dahil negatibo ang resulta ng surveillance ni PO3 Manalang ay minabuti niyang bumalik sa MPD Headquarters pero pagdating niya sa P. Algue PCP Comelec checkpoint ay pinara siya ng opisyal at siya naman ay huminto at nagpakilalang pulis-MPD. ‘E mukhang nakasama pa yata ang pagpapakilala niya na kabaro din siya dahil inutusan pa siyang itaas ang kamay at saka nirekisang mabuti ang buong katawan niya.
Nang walang makitang dalang baril si PO3 ay sinabihan naman siya ng opisyal na magbigay na lang ng pang-kape saka siya pinaalis.
Sonabagan!!!
Bakit nagkakaganito ang mga pulis mo, Gen. Rolando Nana!?
Ang latest, nagkaharap na sa tanggapan ng MPD-GAS si PO3 at Tinyente Ingit ‘este’ Lingit. Biglang naging mukhang maamong tupa raw si Lingit at humingi pa ng patawad sa biktima.
Ilan pa bang ganitong klaseng pulis sa administrasyon mo, Gen. Rolando Nana!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com