CAMP OLIVAS, Pampanga – Nasakote ng mga tauhan ng Masantol Police ang 43-anyos ginang sa inilatag na buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Sto. Niño, sa bayan ng Masantol kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Chief Inspector Julius A. Javier, hepe ng Masantol Police, sa tanggapan ni Senior Supt. Rodolfo Recomono Jr., Pampanga Provincial Police Director, nabatid na number 1 sa talaan ng drug personality ng Oplan Lambat-Sibat ang suspek na si Maria Soledad Yambao, alyas Solsol, sinasabing pumalit bilang tulak makaraang mapatay sa operasyon ang kanyang mister noong nakaraang taon sa nabanggit na lugar.
Ang biyuda ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 & 11 ng Article 11 ng RA 9165, makaraang makompiskahan ng dalawang plastic sachet ng shabu at P500 marked money.