IBINUNYAG ni Senate President Franklin Drilon, handang sumabak sa larangan ng politika si 2015 Ms. Universe Pia Alonzo Wurtzback.
Ang pagbubunyag ni Drilon ay makaraan nilang mag-usap ng beauty queen matapos gawaran ng parangal ng pagkilala ng Senado ang tagumpay at karangalang iniuwi sa bansang Filipinas nang manalo sa patimpalak ng kagandahan.
Sinabi ni Drilon, ikinatwiran sa kanya ni Wurtzback na nais niyang isulong ang kanyang mga adbokasiya na bahagi rin ng kanyang tungkulin bilang reigning queen.
Naniniwala si Drilon, pagkatapos ng termino ni Wurtzback bilang Ms. Universe ay maaari siyang tumanggap ng posisyon mula sa susunod na administrasyon.
Ipinauubaya ni Drilon kay Wurtzback kung anong posisyon sa pamahalaan ang nais niyang takbuhan at hawakan.
Nilinaw ni Drilon, hindi matatawaran ang adbokasiya ni Wurtzback lalo na ang sagot niya sa “question and answer portion” ng pageant na naging dahilan ng kanyang pagkapanalo.
Kasama ni Drilon na nag-abot kay Wurtzback ng resolusyon ng pagkilala si Senador Sonny Angara.
Ayon kay Angara ang ipinakita ni Wurtzback ay isang malaking inspirasyon sa bawat mamayang Filipino na hindi lamang nagsusumikap kundi puro karangalan at tagumpay ang inuuwi para sa ating inang bayan.
Sinabi ni Angara, kailanman ang galing-Filipino ay hindi nagpapahuli at hindi matatawaran kung ikokompara sa ibang nasyon at sa iba’t ibang antas.
Niño Aclan
RH Law suportado ni Pia Wurtzbach
SINABI ni Pia Wurtzbach, ang pagsasabatas ng RH bill ay napapanahon na para sa mga kababaihan.
Inihayag ito ni Wurtzbach sa isinagawang grand press conference kahapon.
Hindi man pinalawig ni Pia ang kanyang paliwanag, ngunit iginiit niya na suportado niya ang nasabing batas.
Ang “The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (Republic Act No. 10354),” kilala bilang Reproductive Health Law o RH Law, ay nagbibigay garantiya sa universal access sa paggamit ng mga methods on contraception, fertility control, sexual education at maternal care.
Samantala, idinepensa ni Pia ang naging sagot niya noong kasagsagan ng competition sa Miss Universe kaugnay sa presensiya ng US military sa bansa, na binatikos siya dahil sa pagpapakita ng pagpanig sa Estados Unidos.
Sa presscon kamakalawa, sinabi ng beauty queen na magkaiba ang ibig sabihin ng US military presence sa US military bases.
Aniya nakahanda siyang makinig sa mga bumabatikos sa kanya hinggil sa kanyang naging sagot.
Pia kusang sasailalim sa HIV Test
UMAASA si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na ang kanyang boses ay makatutulong para maibsan ang stigma sa mga biktima ng HIV/AIDS.
Ito ay kasabay ng pagkompirma ng Filipina-German beauty queen na sasailalim siya sa HIV testing sa New York para magsilbing halimbawa.
Layunin daw nito na maipakita kung gaano kahalaga ang HIV testing at sa kanyang gagawin, umaasa si Pia na maging inspirasyon siya para tularan din ng iba.
Aniya, para aniya maibsan na ang social stigma sa mga biktima ng nasabing sexually-transmitted disease, kailangan may magkusang manguna sa kampanya at ito ang kanyang ginagawa.
Ayon sa Cagayan de Oro-native beauty, nais niyang maintindihan ng lahat na ang isang taong positibo sa HIV ay maaaring makapamuhay nang normal at hindi pa katapusan ng mundo para sa kanila.
Hindi rin aniya dapat katakutan o pangilagan ang HIV victims.