Veto ni PNoy sa SSS pension increase labanan
Johnny Balani
January 21, 2016
Opinion
KUNG ayaw maraming dahilan! Kung gusto maraming paraan!
Ito mga ‘igan ang nangyayari ngayon sa usaping P2,000 increase ng mga pensiyonado ng Social Security System (SSS). Maraming dahilan na kabati-batikos! Anong malulugi? Anong mauubos ang pondo ng SSS? Sus, maraming tanong, na ito ang dahilan kung bakit hindi nilagdaan ni PNoy ang House Bill 5842 na naglalayong madagdagan nga ng P2,000 ang tinatanggap na pensiyon ng SSS retirees.
Aba’y teka…malulugi? Mauubos? Naisip ba nila ang dalawang salitang ito sa umano’y milyon-milyong pisong pasuweldong ibinibigay partikular sa mga opisyal ng SSS? Naisip ba nila ang dalawang salitang ito na umano’y namahagi sila ng naglalakihang ‘Bonus’ at ‘Incentives’ partikular sa mga opisyal ng SSS? Pagkatapos, kakarampot na P2,000 ay hindi mapagbigyan ang mga pobreng pensiyonado! Ano ba naman kayo? Sadya nga bang ganito ninyo titikisin o titiisin ang maliliit nating mga pensiyonado?
Bakit kasi hindi aprubahan at bawasan na lamang ang halaga ng ‘increase’ sa pensiyon ng mga mga pensiyonado? Huwag lamang walang ‘increase’ mga ‘igan! Walang iniba ito sa isinusulong ni House Speaker Feliciano Belmonte na gawing P1,000 kung hindi talaga uubra ang P2,000. Maliit lamang ito kompara sa kurakot umano ng mga nangungurakot sa loob ng SSS. Sus ginoo, tamaan sana kayo ng kidlat!
Maging patas sana ang laban. Karapatan ng mga pensiyonado ang kanilang ipinaglalaban. Maging malinaw sana sa lahat na pera ng mga pensiyonado ang pinag-uusapan na may karapatang humingi ng ‘increase.’ MALIIT man…huwag lang WALA. Hindi malaking usapin ito. Kung saka-sakaling mapagbigyan ang kahilingang ‘increase.’
Maraming paraan upang maresolba ang paparating pa lamang na mga suliranin. ‘Ika nga, pag gusto…maraming paraan.
Bruskong opisyal ng Manila City Hall namamayagpag
Isang opisyal ng Manila City Hall, na dating nasa ‘floating status’ ang binansagang ‘Kangkongera’ (dahil babae), na patuloy na namamayagpag sa napaglipatan n’yang departamento. Ayon sa aking ‘pipit’ mga ‘igan, isa umanong pobreng empleyado ng Manila City Hall ang binigyan ng isang barangay chairman ng aguinaldo/regalo nitong nakaraang Pasko. Ipinakisuyo ito ni Barangay Chairman kay opisyal ng Manila City Hall. Sus, ang damuhong opisyal ay kinangkong umano ang aguinaldo/regalo para sana kay empleyado.
Gahaman ka Bossing! Hehehe…
Nakahihiya ang asal mo! Opisyal ka pa naman. Kinangkong din ng opisyal na ito ang halagang P1,500 ng isang matapat na empleyado nang isauli ang sobrang pera sa kanyang sweldo.
Bossing, huwag masyadong brusko sa mga tao mo upang mapagtakpan mo ang katiwaliang ginagawa mo! Huwag mong sirain ang pagkatao mo sa pera lang! Pera lang ‘yan Boss!
Sino kaya siya?
Abangan…
Paging Manila City Hall Business Permit
GRABE na talaga mga ‘igan ang kababuyang nagaganap dito sa Benjo’s Resto Bar na pagmamay-ari umano ng isang pulis-Maynila.
Kasabay ng nasabing Resto Bar ay isang ‘Rush Hour Gym’ na ilegal ding nag-o-operate na walang “Barangay Business Permit.” Ayon kay Brgy. 893 Zone 99 District VI Chairman Carlos C. Castañeda, matagal nang walang takot na nag-o-operate nang walang “Business Permit.” Magkanong dahilan, bakit hanggang ngayon ay patuloy ang operasyon ng dalawang “business establishments” ni mamang pulis? Malakas ang loob… walang kinatatakutan dahil may pinagkakapitan…
Paging Mayor Erap! Kanino po ba humuhugot ng tapang ang mamang pulis na ‘yan? Nagtatanong lang po…
Abangan!