Planong political dynasty sa Caloocan pinalagan
Hataw News Team
January 21, 2016
News
NANAWAGAN ang grupong Batang Kankaloo sa Caloocan City sa lahat ng kabataang botante na ibasura ang mga politiko na nasangkot sa pork barrel scam at gustong magpatupad ng political dynasty sa lungsod.
Ayon kay Wally Sumook, chairman ng Batang Kankaloo sa Bagong Silang, panahon na upang ipakita ng mga kabataan sa Caloocan na hindi sila mahusay lamang sa ledion-cyber game na dota kundi maging sa pagbabantay sa kanilang hinaharap.
“Panahon na upang magkaisa tayo at kumilos para pigilan ang plano ni Mayor Oca (Oscar) Malapitan na magtatag ng political dynasty,” giit ni Sumook.
“Tatakbo na siyang mayor pati ba naman ang anak niyang si Dale (Malapitan) patatakbuhin niyang kongresista?”
Kinondena rin nila ang mga tauhan ng mag-amang Malapitan gayon din ni Rep. Edgar Erice na binabakbak ang lahat ng tarpaulin na ikinakabit ng kanilang mga kalaban sa nalalapit ng halalan tulad nina dating mayor Enrico “Recom” Echiverri at dating congressman Mitch Cajayon.
“Lahat ng proyektong kulay dilaw ni Mayor Recom pinapinturahan na ni Mayor Oca ng kulay orange pero pati ba naman tarpaulin tulad ng mga pagbati noong Kapaskuhan tatanggalin nila? Gusto nila mga mukha lang nila ang nakabalandra sa buong Caloocan?” tanong ni Sumook.
Idiniin ni Sumook na bukod sa Batang Kankaloo, sasama sa kanila ang STORM commandos na itinatag ng kilalang political operator na si Porfirio Callanta para ibulgar ang pagkakasangkot ni Malapitan sa pork barrel scam na pilit nilang itinatago ni Erice.
“Bakit hindi maipaliwanag ni Mayor Oca ang mahigit P50 milyong PDAF na inilaan niya sa bogus NGO na KACI? Komo ba naglaan din ng milyon-milyon sa KACI si LP presidential bet Mar Roxas, ililibre na sila sa kaso ng Ombudsman? Aba, dapat magpaliwanag sila sa paglustay sa pera ng bayan,” dagdag ni Sumook.